ERUPTION SA MAYON MAGPAPATULOY

MAYON-1

LALONG pinaigting ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagbibigay-babala sa mga residente at turista na magtatangkang pumasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone at Extended Danger Zone sa timog-silangang bahagi ng Bulkang Mayon.

Ito ay matapos na maitala ang isang phreatic eruption dakong alas-9:06 kahapon ng umaga at magkakasunod na limang ka-parehong volcanic event mula alas-9:39 hanggang alas-11:00 ng gabi na hanggang sa 700 metro ang pi­nakamataas na inabot ng usok at abo.

Sa isang panayam kay Phivolcs Director at DOST Undersecretaty Renato Solidum, ilan ang nag-ulat na narinig din ang dagundong mula sa bulkan na nagpapahiwatig lamang umano ito ng patuloy na abnormalidad.

Nabatid na tinitingnang mababaw ang pinagmumulan ng mga eruption na mula sa lumang deposito ng bulkan batay na rin sa nakitang earthquake signals.

Samantala, sinusuri naman ng Phivolcs kung magtutuloy-tuloy sa kasalukuyang estado ang bulkan o posibleng nagkakaroon umano ng “clearing” upang bigyang-daan ang mas ma­lakas na puwersa na maila­labas.

Sa kasalukuyan, wala pang ulat sa mga barangay na inabot ng bagsak ng abo mula sa naturang bulkan. BENEDICT ABAYGAR, JR.