ES VIC RODRIGUEZ IKINOKONEK SA TANGKANG SUGAR IMPORTATION

NAGTATAKA ang Malacanang sa pag-uugnay kay Executive Secretary Victor Rodriguez sa nabistong planong pag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal sa pamamagitan ng isang illegal resolution na pinirmahan ng Sugar Regulatory Board.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na hindi niya alam kung saan galing ang isyu at pilit na idinidikit ang pangalan ni Rodriguez sa nabukong importasyon.

Naglabas aniya ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumuo ng importation plan na siya ngayong ginagamit na isyu laban sa Executive Secretary.

“Wala pong kinalaman si ES doon sa importation resolution ng SRB. Nag-isyu siya ng direktiba na gumawa ng importation plan. Hindi po siya nag-utos ng pag-convene nito. In fact, nu’ng nalaman niya na nag-convene at nag-isyu ng resolution, siya mismo ang nagdala ng balita na ito sa Pangulo at right there and then gusto niya sana ay ipatawag at resolbahin yung issue,” ani Angeles.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang importation plan ang unang ginagawa bago maglabas ng resolusyon para matukoy ang mga detalye bago gawin ang importasyon ng produkto, at hindi ito importation order.

“Ang importation plan ay precursor bago magtalaga ang Sugar Regulatory Board ng isang resolution. doon sa importation plan nilalagay natin yung feasibility ng pag-import, ‘yung justification ng importation na yun, kung kelan yung importation, kung magkano is going to be imported at kung saan ito bibilhin, lahat yan we take it into consideration,” bahagi ng pahayag ni Angeles sa Facebook live.

Pagdiriin pa ni Angeles na mali na pag-isipan si Rodriguez dahil ito mismo ang nakadiskubre ng sugar import-try at nag-report sa Pangulong Marcos.

“Kasi ‘yung sinasabi nila na si ES Vic pa ang responsable para sa importation. Malayo po sa bituka hindi po yun ang nangyari and as matter of fact, si ES nga ang nakadiskubre at siya ang naghatid ng balita sa ating Pangulo. Magkaliwanagan tayo ha, he had nothing to do with this,” dagdag pa ni Angeles. EVELYN QUIROZ