ESCAMIS NCAA SEASON 99 MVP, ROOKIE OF THE YEAR

DALAWANG coveted  individual awards ang naiuwi ni Clint Escamis ng Mapua sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament.

Si Escamis ay itinanghal na Most Valuable Player para sa kanyang invaluable role sa kampanya ng Cardinals sa torneo makaraang makakolekta ng 53.16 player average value (PAV).

Ang 5-foot-11 playmaker ay napili ring Rookie of the Year, kung saan tinalo niya si San Beda University’s Jomel Puno na tumapos sa 13th pagdating sa statistical rankings (SPs).

Sinamahan ni Escamis sa elite group ng Rookie MVPs sina  Rhenz Abando (Season 97), Allwell Oraeme (Season 91), Sam Ekwe (Season 82), at Gabby Espinas (Season 80).

Pinangunahan ni Escamis ang Mythical Five cast kasama sina  LPU team captain Enoch Valdez (44.82 PAV), Perpetual’s sophomore star Jun Roque (41.50), EAC senior big man JP Maguliano (41.27), at ang kanyang teammate  na si Warren Bonifacio (39.33).

Nakopo rin ni Roque ang  Most Improved Player plum makaraang lumundag mula 111th place noong nakaraang season sa third sa Season 99, upang maungusan si teammate Cyrus Nitura, na umangat mula 89th sa 13th.

Hindi naman uuwing luhaan si gaduating San Sebastian College-Recoletos bruiser Romel Calahat sa kanyang final year dahil napili siyang Defensive Player of the Year makaraang makakolekta ng 141 rebounds, 28 steals, at  11 blocks.

Ang Defensive Team ay kinumpleto nina Valdez, Escamis, Maguliano, at Arellano University rookie Lorenz Capulong.

Nakuha ni Colegio de San Juan de Letran’s Jay Garupil ang  inaugural Freshman of the Year citation, na ipinakilala ng liga sa unang pagkakataon bilang pagkilala sa mga player na kuminang sa kanilang unang taon mula sa high school.  Si  Peter Rosillo ng Mapua ang talagang nanguna sa lahat ng freshmen, ngunit na- disqualify siya sa individual award makaraang ma-eject sa kanilang 86-82 loss sa LPU noong nakaraang November 3.