O, mga tiwali sa gobyerno, umayos-ayos kayo, kasi gumagana na ang vacuum cleaner ng administrasyon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at isa sa mga nahuli sa bitag ay itong boss ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na si National Director Demosthenes R. Escoto.
Nangotong ba si Escoto, maitatanong, ewan natin pero ayon sa balita, iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa kanya, ito ay dahil sa pagkasangkot sa maanomalyang pag-award ng P2-bilyong kontrata para sa Vessel Monitoring System (VMS) Project noong 2018.
Ayon sa report, may nakitang mga dahilan si Ombudsman Samuel R. Martires upang patawan ng pagsibak si Escoto sa kasalanang “grave misconduct.”
Sa imbestigasyon ng Ombudsman sa kasong administratibo laban kay Escoto — hehe, kasingtunog ng “kotong” — nakita na may ginawang mali ang akusado noong siya ay nakaupong chairman ng Bids and Awards Committee (BAC) ng BFAR.
Mali raw, sabi ng anti-graft body, ang desisyon ni Escoto, siya bilang pinuno ng BAC, nang ibigay ang paborableng kontrata sa SRT Marine Systems Solutions Ltd. (SRT) na nakabase sa United Kingdom.
Batay sa kontrata, itong SRT-UK ay siyang magsusuplay ng teknolohiya at mga kagamitan (tulad ng VMS transmitters) para sa Phase 1 ng Marine Environment Monitoring System Project o PHILO Project ng BFAR.
Sa pamamagitan ng PHILO Project, magagawa ng BFAR gamit ang nasabing teknolohiya upang mabantayang mabuti at maprotektahan ang exclusive economic zone (EEZ) ng bansa kontra illegal fishing.
Sa paglalagay ng VMS transmitters, magagawang bantayan at matyagan ng BFAR ang malalaking commercial fishing vessel sa kung naayon sa batas ng fisheries ang pangingisda nito sa ating EEZ.
Sa proyekto ng PHILO, ang pagbili ng mga gamit teknolohiya gaya ng VMS transmitter at iba pang gamit ay popondohan ng Php1.6 bilyon, na ang salaping ito ay iuutang ng Pilipinas sa France.
Kalakip sa proyekto, dapat ay kasali sa bidder na magsu-supply ng teknolohiya ay isang kompanyang French.
Sa imbestigasyon ng OMB, noong 2017, unang nabigyan ng kontrata ang bidder na SRT-France pero hindi ito tinanggap ng France dahil isang Briton o mamamayang British ang may-ari ng kompanya.
Dapat kasi, French ang may-ari ng kompanyang magsu-supply ng teknolohiya sa BFAR.
Dagdag rito, natuklasan na isang buwan pa lamang naitatayo ang kompanyang SRT-France at wala itong mga pasilidad sa France, at dahil dito, tumanggi ang French government na ituloy ang loan agreement sa pagbili ng mga supply na gamit ng BFAR.
Malinaw, ayon sa OMB, nakagawa ng grave misconduct si Escoto, kasi naging maluwag ito at nagpabaya at hindi inayos nang mabuti ang mga requirements at qualifications at ito ang dahilan kaya nakalusot ang paborableng kontrata ng SRT-France na British pala ang may-ari.
Walang ginawang due diligence si Escoto kaya napalusutan siya at binigyan ng award ang SRT-France na katatayo pa lamang na kompanya at walang pasilidad at kakayahang tuparin ang isinasaad sa awards.
Eto pa ang nakagugulat: noong 2018, itong SRT-UK ang nanalong bidder at itinaas pa ang budget ng proyekto sa Php2.09 bilyon na locally-funded na.
Aba, malaking kalokohan ito kasi, lumaki na ang badyet mula sa dating Php1.6-B, ito ay lumaki sa Php2.09-B at ang pera ay kukuhanin sa lokal na bangko natin.
Sa ginawa ni Escoto, nawala ang loan commitment ng France at ang masamang resulta, imbes na ibang bansa ang gagastos, ang Pilipinas na ang gagastos.
Ano ang intensiyon ni Escoto?
Sa ginawa niya, tayo ang gagastos sa halip na ibang bansa, ito ngang France ang magpapaluwal ng pondo sa pamamagitan ng pag-utang.
Sa pagsusuri ng OMB, nakita na inabuso ni Escoto ang kapangyarihan niya bilang BAC chairman ng BFAR upang ibigay ang bilyon pondo ng proyekto sa SRT-France at SRT-UK.
Eto pa ang nakadidismaya at maling galaw ni Escoto na natuklasan ng OMB: Ipinilit ni Escoto na umorder ng 5,000 units ng VMS transreceivers kahit 3,736 lang na unit nito ang kailangan ng ahensiya.
Aba, sobrang abuso ito!
Maalaala, itong si Escoto ay sinasabing utak ng galunggong shortage na nagpahirap sa mga consumer noong panahon ni dating Presidente Rodrigo Duterte.
Mabuti at nakita ng OMB ang “kalokohan” na ito ni Escoto, at hindi lamang dapat pagsibak ang ginawa sa kanya.
Dapat isailalim sa life style check itong si Escoto at malay natin, marami pang anomalyang matutuklasan ang OMB.
Tiyak, may kakutsaba si Escoto, kasi kahit siya ang chairman niyon, kailangan ang pagpayag ng ibang miyembro ng BAC ng BFAR.
Sana po, laliman pa ni OMB Chairman Martires ang imbestigasyon laban kay Escoto at ideretso na ang kaso laban sa kanya sa Sandiganbayan.
O, kayong taga-BFAR, umayos kayo at pati ang iba pang opisyal ng mga sangay ng Department of Agriculture, galit si PBBM sa mga ungas at kawatan!
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].