ESCUDERO, IPINAGTANGGOL SI VP LENI

Senador Chiz Escudero

TINAWAG  ni dating senador Francis “Chiz” Escudero na “far-fetched and incredulous” ang mga paratang na may alyansa ang kampo ni Vice President Leni Robredo at ang mga komunistang rebelde.

Sa isang post sa Twitter, sinabi ni Escudero na may pagkakaiba man sila ng posisyon pagdating sa pagbuwag o hindi sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, o NTF-ELCAC, naniniwala ang dating senador na ‘di nakikipag-alyansa si Robredo sa mga komunista.

“I am in favor of the retention of the NTF-ELCAC … [and] @lenirobredo may have a different position, but I find the allegation that she … has entered into an alliance/agreement w/ the [communist] both far-fetched [and] incredulous, to say the least,” sabi Escudero, guest candidate sa ilalim ng Leni-Kiko senatorial slate.

Nauna nang nagpahayag ng suporta ang gobernador ng Sorsogon sa NTF-ELCAC na siyang nagpapatupad sa Barangay Development Program dahil nakatulong umano ito sa 16 na barangay ng kanyang probinsya.

Si Robredo naman ay nagsabi na suportado niya ang “whole-of-nation” approach ng NTF-ELCAC, subalit hindi ang paggamit sa programa sa “red-tagging” ng mga aktibista.

Si Escudero ang pinakahuli sa mga personalidad na nagtanggol kay Robredo laban sa mga alegasyon matapos magpahayag kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte na may plano ang mga “dilawan” at komunistang grupo na guluhin ang halalan sa Mayo.

Sinabi naman ni Sen. Ping Lacson nitong nakaraang mga araw na may “communist infiltration” umano sa kampo ni Robredo.

Ipinagtanggol naman ni dating senador Antonio Trillanes, na ngayon ay tumatakbo sa ilalim ng Leni-Kiko tandem, si Robredo. Malayo aniyang magkaroon ng alyansa si Robredo sa mga komunistang grupo, aniya, dahil suportado siya ng mga retiradong heneral at opisyal ng militar at pulis.