NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Senador Chiz Escudero kaugnay sa pahayag kamakailan ng Department of Justice (DOJ) na naghahanda sila para sa briefer sa mga posibleng legal na opsyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng International Criminal court (ICC) probe.
Kinuwestiyon ng senador kung bakit ginawa ang naturang press conference ukol dito.
“What I don’t understand is why a presscon had to be called to announce something that is in the normal course of things or as it should be,” ani Escudero.
“Providing legal briefings to the President is standard procedure.”
Nauna nang inihayag ni DOJ spokesperson Mico Clavano na naghahanda sila para sa legal briefer para kay Marcos sakaling arestuhin ng ICC si dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Aware naman tayo na ‘yung policy ngayon ng gobyerno na hindi papasukin ang ICC ay posible namang mag-iba,” ani Clavano.
“So it will have to be a very objective briefer para malaman ni Presidente kung paano siya gagalaw once the ICC warrants of arrest, if ever, are issued then he will know kung ano ‘yung mge legalities, ‘yung mga options niya at ‘yung mga remedies din,” dagdag pa niya.
Samantala, hinimok ni Escudero ang Executive Branch na maging mas maingat at linawin ang katwiran sa likod ng press conference at tiyakin na ang mga desisyon ay ginawa nang objectively sans political agenda. LIZA SORIANO