ESCUETA BAGONG SAN BEDA COACH

MAGBABALIK si San Beda Red Cub Yuri Escueta sa kanyang high school alma mater makaraang kunin siya bilang bagong head coach ng Red Lions.

Kinumpirma ni San Beda team manager Jude Roque noong Martes ng gabi ang official appointment ni Escueta bilang bagong mentor ng multi-titled collegiate basketball team.

“Yuri returns to his high school alma mater with a rich basketball coaching knowledge gained from several outstanding tacticians from his college days to his various coaching stints,” pahayag ni Roque sa isang statement sa CNN Philippines.

Si Escueta ay nagsilbing assistant coach para sa national men’s basketball team Gilas Pilipinas, PBA champion squad TNT Tropang Giga, at multi-time UAAP titlists Ateneo De Manila University Blue Eagles.

Sa kanyang playing years, si Escueta ay bahagi ng matagumpay na Red Cubs squad na ginabayan ni late Ato Badolato bago lumipat sa Blue Eagles.

Sina dating San Beda standouts Jenkins Mesina, Alex Angeles at Francis Cruz at dating Ateneo cager Andre Santos ang magiging assistant coaches ni Escueta.

Ang pinalitan ni Escueta na si Boyet Fernandez ay mananatili sa koponan bilang onsultant.

Papasok si Escueta sa San Beda sa isang transition period kung saan pinutol ng Mendiola-based squad ang kanilang 14 sunod na finals appearances sa NCAA Season 97 makaraang yumuko sa Mapua sa semifinals.

Mamanahin ng dating Red Cub ang koponan na pinangungunahan nina veterans James Kwekuteye, JB Bahio, Ralph Penuela, Peter Alfaro, at JV Gallego.

Inaasahang sasalang siya sa kanyang coaching debut para sa Red Lions sa nagpapatuloy na FilOil EcoOil Preseason Cup, kung saan makakaharap nila ang De La Salle University Green Archers sa kanilang unang laro sa torneo sa Linggo.