ESPEJO BALIK SA JAPAN V.LEAGUE

MAGBABALIK si Alas Pilipinas star Marck Espejo sa Rising Sun.

Si Espejo, na naglaro para sa Criss Cross King Crunchers noong nakaraang conference sa Spikers’ Turf, ay nakatakdang sumabak sa kanyang ikatlong stint sa Japan makaraang ianunsiyo ng V.League squad Kubota Spears Osaka ang pagkuha sa kanya para sa 2024-2025 season.

“We are pleased to announce that Kubota Spears has signed a contract with Marck Espejo for the 2024-25 season. Espejo is an outside hitter from the Philippines,” pahayag ng koponan patungkol sa 6-foot-3 star sa isang post sa Instagram.

Ang dating Ateneo de Manila University player, na naglaro rin ng professional volleyball sa South Korea at Thailand, ay dating sumalang para sa Oita Miyoshi at FC Tokyo sa kanyang mga naunang stints sa Japan.

“Feels good to be back,” wika ni Espejo sa isang IG story.

Subalit bago siya lumipad sa Japan, inaasahang lalaro muna siya para sa Alas sa Leg 1 ng SEA V.League sa August 16-18 sa Manila, at sa Leg 2 sa August 23-25 sa Indonesia.