ESPEKULASYON SA PH-CHINA AGREEMENT ITIGIL

MASAlamin

KUNG makapag-espekula ang mga kritiko sa isinagawang pagbisita ni Chinese President Xi Jinping at pagpirma sa ilang kasunduan sa Filipinas ay ganun-ganun na lamang na hindi man lamang isinasaalang-alang na ang meeting ng dalawang bansa ay maaaring mas magandang tingnan na positibo kaysa negatibo.

Kalugihan kaagad ang nasa isip ng mga kritiko samantalang ang kapakanan ng bansang Filipinas ang mas nararapat na nananaig, una na riyan ang pakikipagkaibigan kaysa pakiki­pagdigma.

Kung magdunung-dunungan ang mga kritiko ay ganun-ganun na lamang samantalang maaaring ituring ito na achievement ng kapayapaang pandaig-digan at kooperasyon para sa kapakinabangan naman ng Filipinas.

Nunok lamang ng pagkatalangka ang mentalidad ang pagpukol ng kritisismo na nakabase sa espekulasyon lamang at hindi facts.

Tsismis, ika nga, na base sa haka-haka ng mga kritiko na wala namang solusyon na ipiniprisinta para sa ating mga kababayan kundi ang pagtakpan ang mga pang-aabuso, katiwalian, kapalpakan, at pinsalang idinulot ng nakaraang administrasyon.

Alam man nila o hindi, nagpapagamit man o hindi, ay nagagamit ang kanilang mga walang silbing patutsada para sa panlilito at pagkakawatak-watak ng ating mga kababayan.

Pagkaupong-pagkaupo pa lamang ng Pangulo ay walang habas ng nagnanaknak ang mga bibig ng mga taong iyan sa pagpukol ng putik sa kasaluku­yang administrasyon.

Sila ang mga u­lupong na nasa bakuran ng inaasam-asam ng ating mga kababa­yang masigabong pagbabago, na nagkakalat ng kanilang kamandag upang palalimin ang panaginip ng inang-bayan sa ibayo pang karukhaan habang iilan lamang ang nakikinabang sa kanyang mga likas na yaman, kasama na d’yan ang paggawa.

Sumuporta sa mga programa at proyekto ng pamahalaan, at kung hindi kaya ay tumahimik na lamang. Ngayon kung tunay ang basehan ay tsaka lamang ibuka ang nagnanaknak na mga bibig.

Ang nag-upo sa kasalukuyang Pangulo ay ang taumbayan, ang nangampanya para mailuklok ang kasaluku­yang pangulo ay ang taumbayan, sana ay irespeto nila ‘yan kaysa iniinsulto nila ang ka­tinuan ng sambayanan.

Sige nga, magsalita kayo tungkol sa Dengvaxia na patuloy na ikinakasa ang bawat naturukan nito sa bulid ng panganib at kapahamakan.

Sige nga magsalita kayo tungkol sa pagtaas ng bilang ng mga pa­sugalan sa bansa noong nakaraang administrasyon. O tungkol sa pagtaas ng bilang ng mga nahayok na sa shabu noong nakaraang administrasyon. O sa mga walang huling tone-toneladang shabu noong nakaraang administrasyon o mga heneral na sangkot sa ilegal na droga.