CAVITE — PUMAGAYPAY ang mga saranggola sa himpapawid ng Imus sa kauna-unahang Pupugayo Festival, may temang “Explore and Love Imus,” ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula at City Tourism and Heritage Office na ginanap sa Heritage Park, Alapan II-B.
Layunin nitong buhayin ang tradisyong pagpapalipad ng saranggola at ipagdiwang ang turismo, sining, kultura, at malusog na kompetisyon.
Nagsama-sama rito ang mga Imuseñong nagpamalas ng kanilang talento sa paggawa at sa pagpapalipad ng mga makukulay na saranggola.
Nahati sa dalawang kategorya ang kompetisyon: Pupugayo Flat Kite o Guryon traditional kite at 3D Figure Kite o 3D geometric-shaped kite.
Nakatanggap din ng mga papremyo ang mga natatanging saranggola gaya ng pinakamakulay, pinakamalaki, pinakamahaba, pinakamaingay, pinakamaliit, at pinakakakaibang saranggola.
Bukod sa kompetisyon, iba’t ibang aktibidad din ang inihatid ng Pupugayo Festival para sa buong pamilya. Ilan sa mga ito ay ang mga workshop sa paggawa at pagpapalipad ng saranggola para sa mga batang edad 3 hanggang 6 na taong gulang at food bazaar tampok ang mga pagkaing ipinagmamalaki ng siyudad ng Imus.
Sa pamamagitan ng Pupugayo Festival: Explore and Love Imus, nasaksihan ng mga Imuseño ang hiwaga at ganda ng umaangat na Imus.
Ang salitang “pupugayo” ay mas kilala ng mga Caviteño na kaparehong kahulugan ng salitang “saranggola”.
SID SAMANIEGO