(ESPESYAL NA BALITA) ‘NATIONAL MAC AND CHEESE DAY’ PINAGSALUHAN NG 300 KATAO

CAVITE CITY- SA kauna-unahang pagkakataon ay isang malaking salu-salo ng libreng agahan ang isinagawa kahapon sa isang barangay sa lungsod ng Cavite na pinagsaluhan ng humigit-kumulang 300 katao, tampok ang masarap na Caviteño style na macaroni at cheese bilang pagdiriwang ng National Mac and Cheese Day.

Isinagawa ang libreng agahan sa Brgy. 58M- Patola, Cavite City ni Brgy. Capt. Rizaldy Consigo na bukod sa pambato ng mga Caviteño na macaroni with cheese style ay mayroon din mainit na kape, pandesal na may iba’t ibang palaman, sinangag, tinapa, daing, itlog, ham, longganisa, tocino na inihain sa libreng agahan.

Mapabata man o matanda ay hindi pinalagpas ang pagkakataon na ito na matikman ang libreng agahan partikular na malasahan ang katakam-takam na macaroni with cheese.

“Masayang-masaya kaming lahat dito dahil sa libreng almusal ng barangay, napakasarap ng macaroni and cheese na inihain nila, may kasama pang mainit na fried rice at tuyo. Tapos may mainit pang pandesal na may iba’t ibang palaman. Ikaw na ang mammimili kung ano ang gusto mong palaman”, kuwento ni Lola Bea Sayuman, 67-anyos, residente ng Brgy. Patola.

“Dati-rati kasi kami-kami lang ng mga barangay opisyal ko ang nagsalu-salo sa kainan. Nang malaman ko na ngayong araw pala ang selebrasyon ng Natl Mac and Cheese Day ay inimungkahi kong mas maganda kung ang buong residente namin ang makasama sa salu-salong agahan,” ani Consigo.

“Ngayon lang nangyari ito sa aming barangay na magkaroon ng malakihang libreng almusal. Lahat kaming mga residente dito ay welcome sa barangay para makapag-almusal. Hindi lang basta ordinaryong almusal parang isang malaking handaan talaga. Dahil ang dahil ulam na pamimilian. Sulit talaga ang umaga namin ngayon, sana nga may tanghalian pa ang hapunan”, kwento at pagbibiro ng 17-anyos na si Jersy Comiso.

Ang pagdiriwang ng National Mac and Cheese Day ay isinasagawa tuwing ika-14 araw ng Hulyo saan man sulok ng mundo na orihinal na nagmula sa bansang Amerika.
SID SAMANIEGO