ESPINOSA, 4 IBA PA INABSUWELTO NG KORTE

LEYTE- INABSUWELTO ng Leyte court ang drug case na inihain laban sa umano’y drug lord na si Rolan “Kerwin” Espinosa at apat na kasama nito.

Ibinasura ng Baybay, Leyte Regional Trial Court Branch 14 si Espinosa at mga akusadong sina Brian Anthony Zaldivar, Alfred Cres Batistis, Jose Antipuesto, at Marcelo Adorco dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Ipinag-utos din ng korte na ibalik ang P600,000 bail bond noong nakaraang taon para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Sa kabila nito, nahaharap pa rin si Espinosa sa mga reklamo ng money laundering sa Pasay court.

Mayroon din itong dalawa pang kaso ng illegal possession of dangerous drugs at illegal possession of firearms, na kamakailan ay muling pinabuksan ng Court of Appeals.

Matatandaang na-indict si Espinosa at mga kasamahan nito ng Department of Justice (DOJ) dahil sa illegal drug trade sa Western Visayas noong Agosto 2021.

Ibinasura ang isa sa mga kaso noong Disyembre 2021, habang na-acquit naman ito at si Adorco sa drug trade charge dahil sa kulang na ebidensya noong Hunyo 2023.

Noong Hunyo 13, 2023, pinayagan si Espinosa na magpiyansa para sa pansamantalang kalayaan ng Baybay City RTC Branch 14.

Noong 2022, binawi nito ang kanyang naunang alegasyon kaugnay sa droga laban kay dating Senador Leila de Lima at sinabing siya ay “coerced, pressured, intimidated and seriously threatened” ng pulisya para idiin si De Lima sa

Senate joint committee hearings sa pagpatay sa kanyang amang si Mayor Rolando Espinosa Sr.
EVELYN GARCIA