ESPINOSA SUMUNTOK NG GINTO SA ROTC GAMES LUZON LEG

TAGAYTAY CITY — Isa pang Espinosa ang inaasahang gagawa ng pangalan sa mundo ng boxing matapos ni legend Luisito ‘Lindol’ Espinosa.

Tinalo ni Carlo Espinosa ng La Concepcion College si Ridge Aqui Burgos ng University of Perpetual Help System DALTA via Referee Stopped Contest (RSC) sa first round para kunin ang gold medal sa men’s lightweight class sa Philippine Air Force bracket ng 2nd Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games Luzon-NCR Leg kahapon sa Tagaytay Combat Sports Center.

Ang ama ng incoming third year BS Criminology student ay kapatid ng dating world boxing champion na si Espinosa.

“Iyong advantage ko siguro is nasa dugo ko iyong pagiging boxer,” wika ng 21-anyos na si Espinosa patungkol sa kanyang tiyuhin na naging world bantamweight at featherweight titlist noong 1989 hanggang 1999.

Sunod na paghahandaan ng batang Espinosa ang National Finals ng ROTC Games, orihinal na konsepto ni Sen. Francis Tolentino, na nakatakda sa Agosto 18-24 sa Indang, Cavite.

“Mas magagaling ang mga kalaban doon, kaya kailangan ko pang mag-training nang matindi,” sabi ng tubong Baguio City sa event na itinataguyod ng Department of National Defense, Commission on Higher Education, at Philippine Sports Commission.

Sumuntok din ng ginto sina John Ramgel Calupez ng Philippine Merchant Marine Academy sa men’s lightweight at Cyril John Delfin ng Maritime Academy of Asia and the Pacific sa men’s light welterweight sa Navy; at April Rose Lacson ng Tarlac State University sa women’s flyweight sa Army.

Sa taekwondo sa Tolentino Sports Complex and Activity Center, sumipa ang Rizal Technological University-Boni ng tatlong ginto sa Army bracket mula sa mga panalo nina Edrian Anselmo sa men’s finweight, Mike Salceda sa men’s bantamweight at Selah Pilla sa women’s Flyweight.

Panalo ng tig-dalawang ginto ang Bulacan Agricultural State College at Central Bicol State University of Agriculture sa Army.

Wagi rin ang RTU-Boni ng dalawang gold sa arnis sa Army unit mula kina Maria Mae Ballester at Henry Soriano sa women’s at men’s non-traditional single weapon, ayon sa pagkakasunod.

Sa athletics sa Cavite State University (CvSU) track oval, nagtakbo ng ginto ang RTU-Boni sa women’s 4×100 relay sa Army, habang panalo ang De La Salle University sa Navy at ang Fullbright College sa Air Force.
CLYDE MARIANO