Iniimbestigahan na ng gobyerno ang sinasabing operasyon ng espionage o pang-eespiya ng ibang bansa sa Pilipinas.
Tiniyak ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasunod ng paglutang sa isang dokumentaryo ng umano’y Chinese spy at isinawalat na may mga ipinakalat na espiya ang Beijing sa ilang bansa, kabilang si dating Mayor Alice Guo.
Sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo na nakatutok ang pamahalaan katuwang ang iba pang ahensya sa pag-iimbestiga sa sinasabing pagpasok sa Pilipinas ng mga espiya ng ibang bansa.
Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si Manalo tungkol sa naturang imbestigasyon.
Sinabi nito na bubuksan nila ang usapin ng espionage kapag nagharap ang Pilipinas at China sa ASEAN Summit sa Laos sa susunod na linggo.