POSIBLENG sa buwan ng Hunyo ay masimulan na rin ang COVID-19 vaccination para sa mga nasa A4 category o yaong essential workers.
Gayunman, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje na ito ay depende pa rin sa dating ng mga bakuna sa bansa.
Ayon kay Cabotaje, sa Hunyo ay inaasahang darating pa sa bansa ang may karagdagan pang 10 milyong doses ng COVID-19 vaccine.
Nilinaw nito na sa NCR Plus pa lamang masisimulan ang pagbabakuna sa A4 category.
Sa pagtaya ng National Economic and Development Authority (NEDA), nasa 22.4 milyon indibidwal ang nasa ilalim ng naturang kategorya at ang 13 milyon dito ay nasa NCR Plus areas.
Kaugnay nito, nabatid na pag-uusapan pa kung sino ang unang babakunahan sa ilalim ng A4 category, na kinabibilangan ng economic at state frontliners.
“Ipa-prioritize ng mga LGU kung sino iyong kailangan nilang unang mga mabakunahan sa ating mga A4,” ani Cabotaje, sa isang public briefing.
“We will leave it to the LGU to strategize, sino ba ang most at risk, most vulnerable sa mga A4, depende sa kanilang mga lokalidad,” aniya pa. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.