ESTABLISHMENTS NA NAGPAPARENTA SA POGO BINALAAN NG PAOCC

MAY posibilidad na mawala mula sa mga establishment owner ang kanilang mga pro­perty kung papayagan ng mga itong gamitin ng illegal Philippine Offshore Gaming Ope­rators (POGO) ang kanilang mga ari-arian.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz na itutulak ng organisasyon na ma-forfeit ang kanilang mga ari-arian.

“Medyo delikado po ‘yan para sa kanila baka mawala ‘yung pro­perty nila kasi pwede po namin file-an ng criminal forfeiture ‘yan kung talagang inallow nila na ipagamit ‘yung kanilang property or resort nila para sa mga ganitong activity,” ani Cruz.

Aniya, irerekomenda ng PAOCC ang paghahain ng reklamo sa mga naaangkop na awtoridad laban sa mga nagmamay-ari na pumayag na rentahan ang kanilang establisimiyento para sa ilegal na operasyon ng POGO.

Samantala, sinabi ni Cruz na isa sa mga nagpapakita ng POGO operation ay ang presensya ng mga dayuhan at kapag ang residente ay hindi umalis sa bahay at makikitang aktibo sa loob ng 24 oras.

“Isa sa mga indicators is nag o-operate po sila gabi, madaling araw, tapos may mga foreigners po sa loob. Ngayon nag papa deliver na lang sila ng pagkain. Kadalasan hindi na sila nag luluto,” ani Cruz.

“Tapos po nag papadagdag sila ng internet connection and then nakikita nila maraming sasakyan… ‘yun yung isa sa mga indicators,” dagdag nito.

Kaya nga ang panawagan ni Cruz sa concerned citizens na iulat ang ganitong senaryo sa mga awtoridad.

Anito, ang pagre-report ay mananatiling anonymous para sa kanilang proteksyon.

Samantala, ibinalita naman ni Cruz na ang isa sa establisimiyentong sinalakay ng PAOCC sa Pasay City ay ginagamit ngayon bilang kanlungan para sa mga batang lansangan.

“‘Yung iba pong building na nahuli natin before ay nagagamit na po natin like ‘yung isang nahuli natin dito sa Metro Manila ginagamit na po nating parang tahanan po ng mga nakukuhang street children,” ani Cruz.

Sinabi pa nito, ang inisyatiba ay ginawa sa pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

EVELYN GARCIA