LAGUNA – PINASOK at pinagnakawan ng hindi pa nakikilalang apat na lalaki ang isang korporasyon sa loob ng Balibago Commercial Complex, Sta. Rosa City.
Sa isinumiteng ulat ni Sta. Rosa City Chief of Police, Supt. Eugene Orate kay Laguna PNP Provincial Director, Sr. Supt. Kirby John Kraft, dakong alas-12:50 ng madaling araw nang pagnakawan ang Bingo Tsunami Gaming Corporation kung saan ang nakatalagang guwardiya at attendant cashier ay si John Cooper Santiago Morillo, 28-anyos.
Matapos makapasok, isa sa tatlo umanong suspek ang agarang dinisarmahan ang nag-iisang guwardiya habang may nakatutok na baril bago nagdeklara ang mga ito ng holdap at hindi na nagawa pang makapanlaban.
Doon mismo sa pinagkakatayuan ni Morillo, puwersahang tinangay ng mga ito ang umaabot sa halagang P1,539,318 na koleksiyon na nakalagay sa kaha kabilang ang isang tip box na naglalaman pa ng P3,500.
Bukod dito, tinangay pa ng mga suspek ang kalibre .38 baril ng nakatalagang guwardiya kabilang ang CCTV recorder at assorted na sigarilyo na umaabot sa halagang mahigit na P7,000.
Samantala, ayon sa pahayag ni Orate, sinasabing bago aniya naganap ang naturang insidente, nagsagawa ito ng routinary inspection sa lugar noong nakaraang isang buwan kung saan naging kapuna-puna aniya dahil hindi kontrolado ng mga ito ang dumarating na maraming bilang ng mga customer. DICK GARAY
Comments are closed.