HANGGANG ngayong Enero 13 na lang ang ibinigay ng Office of the Ombudsman sa Department of Agriculture (DA) para maipaliwanag ang estado ng suplay at presyo ng sibuyas sa bansa.
Nais din ng Ombudsman na maipaliwanag ang planong pag-aangkat ng libo-libong tonelada ng sibuyas sa kabila ng nalalapit na ang pag-ani sa mga lokal na sibuyas.
Ang kautusan ay inilabas ng Ombudsman noong Enero 9 at natanggap ng DA kinabukasan.
Binigyan ng tatlong araw si Usec. Domingo Panganiban para ipaliwanag ang suplay ng sibuyas sa bansa at ang napakataas na halaga nito.
Nag-ugat ang hakbang ng Ombudsman sa pagbili ng DA ng sibuyas sa halagang P537 kad kilo at ipinagbili na lamang ito ng P170 sa Kadiwa stores sa piling mga lugar.