PINAGTIBAY na rin sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala na magpapalawig sa estate tax amnesty.
Sa botong 209 Yes at wala namang pagtutol ay inaprubahan ang House Bill 7068 na layong amyendahan ang RA 11213 o ang Tax Amnesty Act.
Sa ilalim ng panukala ay palalawigin ng hanggang apat na taon mula sa kasalukuyang dalawang taon ang paghahain ng estate tax.
Sa kasalukuyang batas ay hanggang dalawang taon lamang ang bisa ng batas matapos itong aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong February 2019.
Ang mga taxpayer na mag-a-avail ng estate tax amnesty ay magkakaroon ng immunity o proteksyon sa civil, criminal, at administrative cases, gayundin sa pagbabayad ng penalty.
Ayon kay Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, maituturing na stimulus bill ang estate tax amnesty extension dahil makapagbibigay ito ng dagdag na revenue o kita sa pamahalaan.
Nagpapasalamat naman ang mga may akda ng panukala na sina Majority Leader Martin Romualdez, Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez at Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma II sa suporta ng mga kongresista dahil mabibigyan ng kaluwagan at pagkakataon na makapagbayad pa ang mga indibidwal ng kanilang estate tax. CONDE BATAC
Comments are closed.