MULING pinangunahan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang malawakang paglilinis at clearing operations sa Estero de Magdalena sanhi nang walang pakundangang pagtatapon ng basura ng mga residente sa mga barangay na dinadaluyan ng nasabing estero nitong Huwebes.
Kamakailan lamang, nakatuon ang atensiyon ng PRRC sa paglilinis ng Estero de Magdalena gayundin ang relokasyon, clean-up operations at public information campaigns sanhi ng nakaaalarmang dami ng basurang bumabara sa estero.
Mula Nobyembre 2015 hanggang Hulyo 3 2018, naihatag ng PRRC sa 1,049 informal settler families (ISFs) mula sa target na 2,015 sa iba’t ibang relocation sites sa Bulacan at Cavite upang masimulan na ang konstruksiyon ng P17-milyong Estero de Magdalena linear park development.
Ngunit hindi pa rin ito pinangalagaan ng mga pamilyang nakatira malapit sa estero dahil sa ulat na may nagsipagtayuang kabahayan muli sa Estero de Magdalena kaya nagbabala na si PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia sa mga barangay official at local government units.
“This morning I ordered all efforts of PRRC to be concentrated again in Estero de Magdalena. Please, kung ‘di kaya hayaan na lang kami ang gumawa ng paglilinis at relocation. To all the LGU’s responsible we will file all the cases against you. Puro kayo pangako sa conference,” sabi ni Goitia.
Nakipag-ugnayan na rin ang PRRC sa iba’t ibang ahensiya upang magsagawa ng joint inter-agency massive clean-up drives para mapaunlad ang kalidad ng ilog habang dumadaan sa rehabilitasyon ang tabing ilog nito.
Dagdag pa rito ang slope protection sa estero na sinimulan na bilang bahagi ng linear park development.
Gayunman, inamin ng PRRC na patuloy sa pagdami ang basura sa Estero de Magdalena sa harap ng ibayo nilang regular na paglilinis at clean-up operation.
“To our brothers in the MMDA, DENR, DPWH and DILG, we need your support. Let’s clean this estero again. Nilinis na natin ito, e. Pinabayaan, e. Mga Chairman, makisama naman kayo at hindi puro sa gobyerno n’yo iaasa katamaran n’yo. Puro kayo ngakngak,” galit na sinabi ni Goitia.
Iginiit pa ni Gotia na tungkulin at responsibilidad ng mga barangay official ang tamang solid waste management sa kanilang mga barangay na pinamumunuan.
Comments are closed.