SAMA-SAMANG ininspeksiyon nina Environment Secretary Roy Cimatu, Manila Mayor Isko Moreno at DENR Undersecretary Benny Antiporda ang ilang informal settlers at estero sa Malate, Manila.
Partiikular na sinilip ng mga opisyal ang mahabang estero na pinamamahayan ng mahigit 70 informal settlers families o ISFs sa bahagi ng Leveriza St.
Sa nasabing bilang, nasa 20 pamilya na lamang ang natitira sa lugar na kailangang ilikas para sa kanilang kaligtasan.
Nagpahayag din ng kasiyahan si Moreno sa ginawang relokasyon ng gobyerno sa mga ISF sa Barangay 718 na inilipat sa Metro Manila upang hindi maapektuhan ang kanilang trabaho at pag-aaral ng mga anak.
Nakita rin ang dating stagnant at maruming tubig na ngayon ay hindi na kulay burak at unti-unti na itong dumadaloy.
Natuklasan din sa ginawang inspeksiyon ng mga DENR official na sinakop na ng mga nag-tataasang condonium at iba pang establisimiyento ang mga estero at nilampasan na rin ang tat-long metrong layo sa waterways.
Nabatid kay Moreno na sa sandaling matanggap na niya ang cease and desist order mula sa DENR ay kanya itong ipatutupad.
Samantala, muling binisita ng DENR ang kahabaan ng Manila Bay upang matiyak ang tuloy-tuloy na paglilinis sa baybaying dagat ng Maynila.
Labis na ikinagalak ni Cimatu na wala nang basurang natatangay sa Manila shore kundi mga water lily na lamang at mga kawayan na pinaniniwalaang gamit sa mga palaisdaan na nasa bisinidad ng Maynila. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.