“ESTERORISTA” SHAME CAMPAIGN, PAIIGTINGIN NG PRRC

NANGAKO si Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E, Goitia na ngayong may mga bagong halal ng opisyales ng barangay, patitindihin ng komisyon ang kampanya laban sa mga “esterorista” na nagtatapon ng dumi sa mga ilog, sapa, estero at iba pang tributaryo ng Ilog Pasig.

“Ngayong may mga bagong halal nang opis­yales ng barangay, lalo nating ipauunawa ang kanilang responsibilidad sa paglilinis ng ating kapaligiran, lalo ang mga tributaryo ng Pasig River,” diin ni Goitia. “Tama na ang kawalang disiplina ng mga barangay, pananagutin natin ang nagpapabaya sa kanilang tungkuling linisin ang mga estero sa kanilang nasasakupan.”

Sinimulan ng PRRC ang “Barangay Kontra Esterorista” shame campaign nitong Abril sa tulong ni Department of the Interior and Local Government Undersecretary for Barangay Affairs Martin “Ka Bobot” Diño sa paglalagay ng inter-city trash traps sa San Juan River.

Sa kampanya, ang mga mahuhuling nagtatapon ng anumang uri ng basura sa mga tributaryo ng Pasig River ay babansagang “esterorista” at kakasuhan ng DILG at PRRC.

“Dahil sa mga Inter-City Trash Trap, hindi na po dadaloy pa ang mga basura papuntang Ilog Pasig. Nabuhay na po natin ang Ilog Pasig at gagawin natin ang lahat upang hindi ito muli pang mamatay dahil sa kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura,” diin ni Goitia.

Idinagdag ni Goitia na patuloy ang paglilinis ng river warriors at river patrols ng PRRC kaya kailangan ang pakikiisa ng mga bagong halal na opisyales ng mga barangay sa Metro Manila para mapanatiling malinis ang Ilog Pasig.

“Nagpadala na kami ng abiso sa mga indibidwal at establismyento na tahasang nagtatapon ng dumi sa mga tributaryo ng Pasig River,” dagdag ni Goitia.” “Ilalabas namin ang kanilang mga pangalan sa lalong madaling panahon.”

Umapela rin siya sa mga residente ng Metro Manila na itapon nang maayos ang kanilang mga basura upang hindi masayang ang pagsisikap ng PRRC.

Comments are closed.