KASALUKUYAN pang inoobserbahan sa ospital ang 22-anyos na estudyante nang sa hindi pa malamang dahilan ay barilin ng lasing na pulis ang sinasakyang Grab car nito sa Quezon City, noong Martes ng gabi.
Ang biktima ay nakilalang si Adrianne Cruz Castor, binata, estudyante ng CIIT Kamuning Campus at residente ng No. 29 Palali St., Brgy Sienna, Quezon City.
Kinilala naman ang suspek na si Cpl. Reymark Romano Rigor, 28, binata, nakatalaga sa Kamuning Police Station (PS-10) ng Quezon City Police District (QCPD) at naninirahan sa No 132 A Signagtala St., Brgy. Batasan Hills, QC.
Batay sa naantalang report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng (CIDU-QCPD), bandang alas-9:47 Martes ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa No. 129 Scout Rallos Ext., Brgy. Sacred Heart sa nasabing lungsod.
Ayon kay SSg Alvin G Quisumbing, imbestigador ng CIDU, sakay umano ng Grab car ang biktima nang harangan ng motorsiklo na sinasakyan ng lasing na pulis ang daraanan nito.
Agad na bumaba ang pulis sa motorsiklo at sa hindi malamang dahilan ay lumapit sa biktima saka tinutukan ng caliber .9mm baril.
Pero tila nag-alinlangan ang suspek at bumalik sa kaniyang motorcycle saka mabilis na pinaharurot subalit, minalas na natumba sa gitna ng kalsada.
Kaya sa halip na dumiretso ang sinasakyang Grab car ay sinabihan ng biktima na humanap na lang sila ng ibang ruta upang iwasan ang lugar kung saan natumba ang motorsiklo ng pulis.
Subalit habang pa U-Turn ang Grab car na sinasakyan ng estudyante ay dahan-dahang tumayo ang pulis saka pinaputukan ang sasakyan at tinamaan sa dibdib ang biktima.
Matapos ay agad na tumakas ang pulis habang isinugod naman ang biktima sa East Avenue Medical Center kung saan ito isinailalim sa operasyon.
Sa isinagawang surgical operation sa estudyante, sinabi ng attending physician na si Dr. Adel Karlo Barilisan na nakakuha sila ng isang bala sa dibdib ng biktima.
Nabatid na nitong Huwebes ay kusang loob na sumuko si Cpl Rigor sa kaniyang immediate supervisor na sina SMS Neleazar Torrijos at PEMS Jimmy Sanyuran, at itinurn-over ang kaniyang service firearm na caliber 9MM Taurus Pistol.
Nakapiit na ang pulis habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya, pero tumanggi itong magbigay ng detalye sa motibo ng pamamaril sa estudyante. EVELYN GARCIA