BULACAN-ISANG estudyante mula sa Caloocan City ang inaresto makaraang makumpiskahan ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P180,000 sa ikinasang by-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit(SDEU)ng Marilao police sa Barangay Ibayo, Marilao habang 14 pang drug suspects ang nadakip din sa serye ng anti-illegal drug operation sa lalawigan kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Col.Rommel J. Ochave, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, itinago sa pangalang Juan ang naarestong menor-de-edad na tulak ng damo,16-anyos, grade 9 student at nakatira sa Barangay 171,Bagumbong, Caloocan City na nasa kustodiya ngayon ng Marilao police matapos kumagat sa inilatag na drug-bust operation.
Nabatid na bandang alas-10 ng gabi kamakalawa ng magkasa ng buy-bust operation ang SDEU ng Marilao police sa superbisyon ni Lt.Col. Bernardo Pagaduan, Marilao police chief sa Barangay Ibayo ng nasabing bayan at kanilang target ang menor-de-edad na tulak ng damo na nakipagtransaksyon sa undercover policeman sa bentahan ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Hindi na nakapalag ang totoy na tulak at nakumpiskas sa kanyang pag-iingat ang 150 gramo ng damo with fruiting tops at nagkakahalaga ng P180,000 bukod pa sa buy-bust money at nakatakda itong ilipat sa kustodiya ng lokal na tanggapan ng DSWD dahil menor-de edad pa ito at dumayo pa sa Bulacan mula sa Calooocan City para magbenta ng damo.
Samantala,14 pang drug pusher ang nadakip pa ng SDEU ng pulisya sa mga bayan ng Balagtas,Bocaue,Bulakan,Angat,Paombong, San Rafael,Norzagaray at sa siyudad ng Meycauayan at San Jose del Monte at nakakumpiska ang pulisya ng kabuuang 64 pakete ng shabu na tumitimbang ng mahigit 11 gramo na nagkakahalaga ng P79,672, isang motorsiklo at buy-bust money.
MARIVIC RAGUDOS