(Estudyanteng nabu-bully bagsak sa global assessment) ANTI-BULLYING LAW MAHIGPIT NA IPATUPAD

BULLYING

MULA sa 79 bansa, ang Fi­lipinas ang may pinakamataas na tsansa na nakararanas ng pambu-bully.

Ito ang lumitaw sa isang pag-aaral ng 2018 Programme for International Student Assessment  (PISA), kung saan pinakamababa ang Filipinas sa Reading at pangalawang pinakamababa sa Science at Math.

Ang PISA ay isang programa ng international organization na Organisation for Economic Cooperation and Development  (OECD) na naglalayong suriin ang educational system ng isang bansa sa pamamagitan ng pagsukat sa kakayahan ng mga batang may edad 15 sa Reading, Math at Science.

At ang unang sumabak ang Filipinas sa pinakahuli at pinag-uusapang global assessment.

Dahil dito, nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Department of Education  (DepEd)  na maging strikto sa pagpapatupad ng mga pamantayan laban sa pambu-bully kasunod ng pagsasabatas nito.

Sa talaan ng PISA, 65 porsiyento ng mga mag-aaral sa high school ang nakararanas ng ilang insidente ng pambu-bully sa isang buwan na mas mataas ito sa 23 porsiyentong  naitala sa ibang bansang lumahok sa naturang assessment.

Ayon pa sa pag-aaral, ilan sa mga posibleng epekto sa mga biktima ng pambu-bully kasama na rin ‘yung mga nambu-bully ay ang hindi pagpasok sa klase, mas mahinang performance, at pag-drop out mula sa paaralan.

Nabatid pa sa pag-aaral, ang mga estudyante na nagsabing nakaranas sila ng pagbabanta ay may markang mas mababa ng 56 puntos sa pagbabasa o Reading Comprehension kung ihahambing sa mga hindi nakaranas ng pagbabanta.

Napag-alaman din sa pag-aaral, ang mga estudyanteng nakaranas ng panunukso ay nakakuha ng markang mas mababa ng 13 puntos kung ihaham­bing sa mga hindi tinutukso.

Para kay Gatchalian, ang paglaban sa bullying ay isang hakbang upang maiangat ang mga marka ng mag-aaral sa PISA, lalo na’t may epekto ang bullying sa academic performance.

“Kailangang tignan natin ang kabuuang larawan kung bakit pinaka mababa ang ating mga mag-aaral sa PISA. Kung susuriin nating mabuti ang pag-aaral na ito, lumalabas na isa sa mga dahilan ang bullying kung bakit nahuhuli ang ating mga mag-aaral,” ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Nitong mga nakaraang araw, malakas ang panawagan na i-angat ang kalidad ng edukasyon ngunit upang magawa natin ito, kailangang masig-uro nating ligtas ang ating mga paaralan upang matuto nang husto ang ating mga mag-aaral,” dagdag pa ng sendor.

Ayon sa PISA, isa sa mga pinakamabisang paraan upang labanan ang pambu-bully ay hikayatin ang mga saksi ng mga insidente na pumanig sa mga biktima.

Tinukoy ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagtuturo ng Values Education sa mga paaralan kung kaya’t inihain nito ang Senate Bill 1224 na naglalayong ga­wing core subject ang Comprehensive Values Education, kasama na rito ang Good Manners and Right Conduct (GMRC).

“Mahalagang ituro natin sa bawat kasapi ng paaralan ang kanilang tungkulin sa pagtagu­yod ng kaligtasan. Hindi lamang mga mag-aaral at guro ang dapat maging bahagi nito, kundi pati mga magulang din at iba pang mga miyembro ng komunidad,” pahayag ni Gatchalian. VICKY CERVALES

Comments are closed.