ETERNAL GARDENS CABUYAO KATUWANG SA PAG-UNLAD

Eternal Gardens-6

LAGUNA – MAKASAYSAYAN ang petsang Oktubre 23, 2018 sa mga residente ng Barangay Mamatid sa lungsod ng Cabuyao dahil isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa ika-11 sangay ng Eternal Gardens Memorial Park Corporation (EGMPC), ang  proyektong makabuluhan sa lahat.

Sinimulan ang seremonya alas-9:00 ng umaga sa pamamagitan ng banal na misa na pinamunuan ni Fr. Hans Magdurulang, mula sa Catholic Mass Media Awards (CMMA), kung saan ang naging tema ay ang pagi­ging positibo sa buhay.

Panauhing pandangal si dating Pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, ang kaniyang esposo na si dating First Gentleman Atty. Jose Miguel Arroyo, Laguna 2nd District Rep. Joaquin Chipeco Jr., Cabuyao Mayor Rommel Gecolea at Brgy. Mamatid Chairwoman Erlinda Alcasabas.

FULL FORCE ANG MGA OPISYAL NG ALC GROUP OF COMPANIES

Nanguna naman sa groundbreaking ceremony sina EGMPC  Chairman and Chief Executive Officer D. Edgard Cabangon at President Numeria­no Rodrin.

Todo suporta ang mga matataas na opisyal ng ALC Group of Companies gaya ni T. Anthony Caba­ngon, president and publisher ng BusinessMirror at director ng Eternal Gardens; Benjamin V. Ramos, vice chairman;  Jose Antonio V. Rivera, vice president ng Sales and Marketing; Marvin C. Timbol, vice president ng Finance; at Victoria C. Nava, vice president ng Central HRD (Human Resource Development) Department ng ALC Group.

Dumalo rin sa nasabing event si Sharon Tan, Rep. Dato Arroyo, Atty. Ferdinand Topacio,  at dating Usec. Ro­bert Rivera.

Maging ang mga kinakailangang personnel ng Eternal Gardens Head Office ay naroon kabilang ang mga kinatawan ng sister companies at mga ahente.

KATUWANG SA PAG-UNLAD 

Makaraan ang pagbasbas sa ground area at pagbaon ng time capsule ay nagsalita si Speaker Arroyo at sinabing kapuri-puri ang pagtatayo ng memorial park sa lugar.

Kaniya ring ginunita ang mahusay niyang pagpili kay dating Amb. Antonio Cabangon Chua para gawing ambassador sa Laos noong siya ang Pangulo pa ng Filipinas.

“Hindi ako binigo ni Amb. Antonio Cabangon Chua dahil naging katuwang ko siya para sa pagpapaunlad noong ako pa ang Pangulo kagaya rin ng ­aking bilin kay Congressman Chipeco na magsagawa ng mga kalsada rito sa Laguna,” ayon sa speech ng kinatawan ng Pampanga.

Aniya, ang pagkakaroon ng imprastraktura ay senyales ng pag-unlad.

“Kapuri-puri ang mga proyektong imprastraktura, kagaya rin sa Eternal Gardens na nagpapatu-loy sa pagbuo ng proyektong katulad nito,” dagdag pa ni Speaker Arroyo.

Pinasalamatan din ni Arroyo si D. Edgard A. Caba­ngon, chairman at chief executive officer ng Eternal Gardens, sa pagpapatuloy ng mga sinimulan ng ama nito at company founder na si Ambassador Cabangon Chua. Maging si T. Anthony Caba­ngon, pangulo ng BusinessMirror,  ay pinuri nito.

Congratulations naman ang iginawad ni Arroyo sa residente ng Cabuyao at kay Brgy. Mamatid Chairwoman Erlinda Alcasabas dahil sa lugar na nasasakupan nito napili ng EGMPC itayo ang ika-11 sangay nito.

Sa speech naman ni Edgard Caba­ngon,  pinasalamatan nito ang suporta ni Speaker Arroyo gayundin ang mga local government official ng Cabuyao at ng buong lalawigan ng Laguna. Ipinaabot din niya ang kaniyang pasasalamat kay Speaker Arroyo sa pagiging mabuting kaibigan nito sa kaniyang yumaong  ama. “Mara­mi pong salamat sa pagmamahal ninyo sa aming ama,” sabi niya.

ASAHAN ANG MAALIWALAS AT MAAYOS NA MEMORIAL PARK

Samantala, sa panayam ng PILIPINO Mirror kay Eternal Gardens president Rodrin, sinabi nitong kagaya ng naunang sampung sangay ng memorial park, isang maaliwalas, serene at ligtas na pasilidad na may kabuuang lawak na 11 ektarya  na ngayon ay nasa 5.5 hectares muna ang dine-develop.

“Katulad ng iba naming sangay, magkakaroon din kami ng mortuary and chapel,” ayon kay Rodrin.

Inaasahan naman na bago matapos ang 2018 ay marami nang nakapagpareserba ng memorial lot sa kanila.

Ang memorial park na ito ay idinisenyo ng RDB Tecson and Associates, sa pamumuno ni Architect Rafael B. Tecson, habang ang itatayong mortuary at chapel building naman ay idinisenyo ni Architect Lerma Balolong.

Dagdag pa ni Rodrin na naging gabay nila sa panibagong proyekto ang Eternal Gardens founder na si Ambassador Cabangon Chua. Tatlong taon na ang nakalilipas nang kanilang ma-acquire ang nasabing lupain na noong una ay housing project sana subalit bunsod ng maingat at malawak na pag-aaral ay minabuting isang memorial park para maging ang mga karatig-lalawigan ay maki­nabang. Special Report EUNICE CALMA

Comments are closed.