EUA NG PFIZER MANANATILI-FDA

Maria Rosario Vergeire

MANANATILI pa rin o status quo muna ang emergency use authorization o EUA na ipinagkaloob ng Food and Drug Administration (FDA) ng Filipinas sa pharmaceutical giant na Pfizer-BioNTech, kasunod ng naglabasang ulat na may 29 na senior citizen sa Norway ang namatay matapos na maturukan ng anti-COVID-19 vaccine nito.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na sa ngayon ay wala pang supisyente o sapat na ebidensya hinggil sa nangyari sa Norway.

Ayon kay Vergeire, batay na rin mismo sa naturang artikulo mula sa Norway ay pinag-aaralan pa ng kanilang pamahalaan ang nangyari.

Aniya pa, nakasaad  sa ulat na ibibigay ang bakuna sa mga critically-ill habang naiulat din ang pagkamatay ng 400 na tao mula sa naturang sektor o hanay ng mga nakatatanda.

Ani Vergeire, sinasabi ng Norwegian authorities na maaaring nagkataon lamang ang nangyari.

Gayunman, hindi pa aniya sarado ang isyu at mismong ang pamahalaan ng Norway ang nais na mag-imbestiga pa rito.

Tiniyak naman ni Vergeire na pag-aaralan din ng FDA ang naturang usapin at pinagsusumite ang Pfizer ng report ukol sa nangyari.

Matapos aniya ang ebalwasyon ay dito magpapasya ang FDA hinggil sa EUA ng Pfizer. ANA ROSARIO HERNANDEZ 

Comments are closed.