BUBUHOS ang cash sa bagong Pasig City administration sa pagpasok nito sa city hall sa Hulyo 1.
Ayon kay outgoing Mayor Robert ‘Bobby’ Eusebio, hanggang noong ikatlong linggo ng Hunyo, ang Pasig ay may P14.5 billion cash sa General Fund nito at P1.7 billion pa sa ilalim ng Special Education Fund, para sa kabuuang P16.2- billion cash para pondohan ang operational requirements ng lungsod.
“I leave behind a sound and healthy treasury to finance all the city’s multi-faceted programs. The funds came from internal and external revenues that allowed us to increase the city’s cash position,” wika ni Eusebio.
Mula sa income na P150 million lamang nang mag-take over ang mga Eusebio at nang maging lungsod ito noong 1994, ang kita ng Pasig City ay tuloy-tuloy na tumaas sa halos P12 billion noong 2018. Sinabi ni Eusebio na sa mga nakalipas na taon, ang revenue collection ay tumaas mula P200 million sa P500 million kada taon.
Bukod sa cash, ang Eusebio administration ay nakapagpundar ng napalaking ari-arian para sa lungsod. Ang Pasig ay pangatlo sa Metro Manila cities na may pinakamalaking net asset sa P33 billion, kasunod ng Makati at Quezon City. Kinaiinggitan din ito ng iba pang local governments sa pagiging isa sa ‘most liquid cities’, na walang utang o liabilities.
“Pasig has been conservative when it comes to fiscal management. We try as much as possible to spend within our means. The city’s income is more than enough to maintain a sustainable existence,” paliwanag ni Eusebio
“The closest we got to borrow was when the city government acted as guarantor to housing beneficiaries when it built the first medium-rise housing facility.”
Patuloy rin ang pagtaas ng kumpiyansa ng mga investor sa may 27,890 business establishments sa lungsod. Para sa taong ito, iniulat ng Business Permit and License Office na ang revenue target na P3.8 billion ay nalagpasan na, na may total collections na P4.4 billion, hanggang April 2019. Umaasa itong mahihigitan pa ang koleksiyon noong nakaraang taon na P6.087 billion.
“We provided an enabling environment for business to thrive. And this has to be sustainable as well as inclusive,” anang out-going mayor.
Bunga nito, laging inihahanay ng Bureau of Local Government Finance ng Department of Finance ang Pasig City na kabilang sa top five sa local revenue generation—pangalawa sa fees, charges at receipts mula sa economic enterprise, pangatlo sa local business taxes, at pang-apat sa real property tax collection.
Para sa taong ito, ang Pasig City ay may budget na P10.7 billion, kung saan ang P6 billion ay nakolekta na, hanggang May 31. Sa nasabing halaga, nasa P4.5 billion ang inilaan para sa unang dalawang quarters ng taon, kung saan ang balance na P5.076 billion ay available para sa allotment at obligations. Bukod ito sa P1.5 billion na savings na naitala sa first quarter.
“Apart from innovative service programs and a very liquid treasury, sustainability is key for Pasig City to definitely remain among the top local government units of the country. There is no reason why it shouldn’t be,” pagwawakas ni Eusebio.