EUSTAQUIO ONE FLYWEIGHT CHAMP

NAGPASIKLAB si Geje Eustaquio sa Macau noong Sabado ng gabi upang maitala ang split-decision win laban kay Adriano Moraes ng Brazil at tanghaling ONE  flyweight champion.

Naging kapana-panabik ang bakbakan mula umpisa hanggang katapusan, kung saan kapuwa ibinuhos ng dalawang fighters ang kanilang lakas, subalit sa huli ay ang galing ng Pinoy ang nagpabilib sa mga hurado at ibinigay sa kanya ang panalo.

“When I started 14 years ago, this was impossible. But now, after 14 years, impossible is not a word; it’s just a reason,” pahayag ni Eustaquio matapos ang panalo.

“Anybody can be a world champion, as long as you have the drive and the attitude.”

Nagwagi rin ang fellow Team Lakay member ni Eustaquio na si Danny Kingad sa Macau sa pamamagitan ng unanimous decision laban kay Ma Hao Bin ng China.

Bigo naman ang isa pang Lakay fighter sa card, si Edward Kelly, kontra  Narantungalag Jadambaa ng Mongolia via second-round ground-and-pound TKO.

Isa pang Pinoy, sa katauhan ni Rodian Menchavez, ang natalo rin sa event laban kay Li Kai Wen ng China sa loob lamang ng 10 segundo.

Sa iba pang title fight, matagumpay na naide­pensa ni  Xiong Jing Nan ng  China ang ONE Women’s Strawweight World Championship, makaraang gapiin si  South American contender Laura Balin. (PNA)

Comments are closed.