EVICTION MORATORIUM PALAWIGIN

Albay Representative Joey Salceda

HINILING ni Albay Rep. Joey Salceda ang pagpapatupad ng kaluwagan para sa pagbabayad ng renta at pagpapalawig sa ‘eviction moratorium’ ngayong nahaharap pa sa COVID-19 pandemic ang buong bansa.

Ang paghahain ng panukala ay sa harap ng pagkabahala ni Salceda na aabot sa 93,000 na households ang posibleng mapalayas sa kanilang mga inuupahang tahanan dahil sa hindi pagbabayad ng renta at pagtaas na rin ng numero ng mga bagong unemployed o walang trabaho.

Sa House Bill 7665 na inihain ng kongresista o ang Rent Relief Act of 2020, gagawing available sa 2 milyong households ang ‘rent refinancing’  sa ilalim ng tenancy agreement ng bansa at palalawigin ng tatlong buwan pa ang eviction moratorium nang sa gayon ay makapag-renegotiate at magkasundo ang mga landlord  at mga nangungupahan

Aniya, sa ganitong paraan ay hindi agad mapapalayas sa tinitirahan ang mga nangungupahan  at mabibigyan pa sila ng sapat na panahon para makahanap ng paraan na mabayaran ang kanilang upa lalo na ang mga nawalan ng trabaho sa pandemya.

Binibigyang mandato ng panukala ang Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), at Pag-IBIG Fund na mag-alok ng pautang sa kanilang mga miyembro para sa pagbabayad ng upa sa bahay.

Inaatasan din dito ang Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na magkaloob ng ‘rent refinancing loans’ kung saan ang mga bangko muna ang magbabayad ng renta habang mabibigyan naman ng mahabang panahon ang mga tenant na magbayad sa kanilang utang na may pinakamababang interest rates. CONDE BATAC

Comments are closed.