EX-BEAUTY QUEEN SCAMMER NA NGAYON

Arestado ang dating beauty queen na si Dulce Pino a.k.a. Maria Dic­kerson sa kasong umano’y pagpapatakbo ng Ponzi scheme sa Sacramento, California.

Kinasuhan si Dic­kerson ng 24 counts ng wire fraud, one count ng securities fraud, ay seven counts ng money laundering.

Nakakulong siya nga­yon sa Eastern California District Court da Sacramento.

Itinanggi niya ang mga akusasyon ngunit ikinulong pa rin siya.

Kasama sa umano’y naging biktima ni Dickerson si dating actress Rita Magdalena na isa rin sa mga nagsampa ng kaso.

Sa report, inakusahan si Dickerson na nagpapatakbo ng Ponzi scheme gamit ang shell company na Creative Legal Fundings. Nangako umano si Dickerson sa 140 investors, na makatatanggap sila ng fixed na buwanang tubo, na mayroon pang compounding monthly interest. Naniwala ang mga investors na nag-invest sila sa isang legal services company, ngunit ginamit umano ni Dickerson ang pera ng mga bagong investor money upang bayaran ang nga naunang investors at pondohan ang marangya niyang lifestyle. Bumili umano si Dickerson ng mga kotseng Mercedes-Benz at malaking bahay sa Sacramento.

Sa report, umabot sa 7 million dollars ang nakuha niya sa mga investors, ngunit hindi niya ito idineklara sa Securities and Exchange Commission.

Mula pa 2023, ilang tao na ang nagreklamo laban kay Dickerson sa iba’t ibang lugar, kung saan ang karamihan dito ay galing sa Filipino communities, dahil huminto na umano si Dickerson sa pagbabayad sa kanila.

Pinaimbestigahan na rin nila si Dickerson sa IRS, at Security and Exchange Commission.

Ipinagbawal na rin ng Philippines Honorary Consulate sa San Diego ang pakikipagnegosyo sa kanya habang maging ang California Department of Financial Protection and Innovation ay nag-isyu na rin ng Desist and Refrain Order laban kay Dickerson.

Sakaling magkaroon ng conviction, makukulong si Dickerson ng 20 taon at magbabayad din ng multang five million dollars.

Paliwanag naman ng abugado ni Dickerson na si Mark Reichel, sa simula ay “creative and honest plan to form a beneficial investment fund” ang layon ni Dickerson ngunit bigla itong lumaki at hindi na manageable para sa kanya. Ang iba umanong investors ay nag-solicit ng pondo at nangako sa iba ng hindi alam ng kanyang kliyente.

Dagdag pa ni Reichel, yung mga investors na nag-solicit ay hindi nag-share ng returns kaya napilitan si Dickerson na magbenta ng assets upang mabayaran sila.

RLVN