PANGASINAN – MAAYOS na ang lagay ni dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr. matapos itong mabaril noong Miyerkoles ng hapon sa San Carlos City.
Samantala, paglilinaw naman ni San Carlos City Mayor Julier Resuello, isa at hindi lima ang nasawi sa pananambang.
Si Espino na dati ring kongresista ay nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa braso at katawan subalit “out of danger” na ito.
Nabatid na prinotektahan ng kanyang mga bodyguard ang dating opisyal sa gitna ng pamamaril.
Dinala ang dating gobernador sa Holy Blessed Family Hospital matapos ang ambush sa Barangay Magtaking sa nasabing lungsod alas- 4:30 ng hapon.
Apat pa sa bodyguards ni Espino, kabilang ang driver nito, ang matinding nasugatan nang pagbabarilin ng mga suspek ang sinasakyan nilang van habang ang dating gobernador ay nakasakay sa isa pang sasakyan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM