PAMPANGA – PUMANAW na sa edad na 84 ang dating Pampanga 1st District Representative at dating Angeles City Mayor Carmelo Feliciano Lazatin.
Si Lazatin na mas kilala bilang si “Tarzan”, ay pumanaw kahapon ng alas-7:40 ng umaga bunsod ng cardiac arrest o cardio-pulmonary failure sa kaniyang tahanan sa Barangay Telabastagan, San Fernando City.
Labis naman ang kalungkutan ng mga naulila ni dating alkalde.
“Today, we lost a great public servant and a loving father,” ayon sa mga anak nito na sina 1st district Rep. Carmelo “Jon” Lazatin, II at Angeles City Councilor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr.
Naulila ni Cong. Tarzan ang misis nito na si Iluminada, at mga anak na sina Janet, Leia, Ma. Theresa, Claudelle, Carmelo Jr., Carmelo II, Pamela, Sharon, at Camille.
Huling naging posisyon nito ay ang pagiging chairman ng Barangay Balibago, Angeles City.
Naglingkod si Lazatin bilang kinatawan ng Pampanga’s First District representative mula 1987 hanggang 1998, at naging alkadle sa Angeles City mula 1998 hanggang 2007 at muling naging kongresista sa nasabing distrito simula 2007 hanggang 2013.
Kinilala ang matandang Lazatin bilang ama ng resettlement centers sa kaniyang distrito at naging instrument sa paglikha sa mga housing sites, gaya sa Mawaque at Madapdap sa Mabalacat, Epza sa Angeles City, San Isidro at Sta. Lucia, Magalang.
Siya rin ang ama ng Mabalacat City, nang iakda niya ang Republic Act 10164, upang maging lungsod ang Mabalacat. EUNICE C.
Comments are closed.