Kumbinsido si dating Iloilo City Councilor Plaridel Nava na hindi maaaring tumakbo si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog sa anumang posisyon matapos siyang patalsikin sa puwesto ng Office of the Ombudsman na may kasamang “perpetual disqualification for public office.”
Sa isang Facebook post, sinabi ni Nava na nagtungo siya sa Office of the Ombudsman para kumuha ng certified copy ng dismissal order laban kay Mabilog dahil sa “serious dishonesty” kaugnay ng hindi maipaliwanag niyang yaman. Humingi rin siya ng kaukulang certificate of finality
Ayon kay Nava, susuportahan ng mga dokumentong ito ang kanyang posisyon na hindi maaaring tumakbo si Mabilog sa kahit anong posisyon maliban na lang kung mabibigyan siya ng presidential absolute pardon.
Gagamitin ni Nava ang mga dokumento bilang bahagi ng disqualification case na kanyang isasampa laban kay Mabilog sakaling magsumite siya ng certificate of candidacy (COC) para sa anumang posisyon sa susunod na linggo.
Una nang binanggit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na maaaring kumandidatong muli si Mabilog matapos magbalik sa bansa ilang linggo bago ang pagsusumite ng COC para sa 2025 elections.
Sa kanyang pagharap sa House Quad Committee, ginamit na palusot ni Mabilog na napilitan daw siyang abandonahin ang mga Ilonggo noong 2017 at nanatili sa ibang bansa ng pitong taon matapos isangkot ni Duterte sa droga.
Kahit na itinanggi ni Mabilog ang kinalaman sa ilegal na droga, hindi pa riyan natatapos ang kanyang problema dahil plano ng Department of Justice (DOJ) na silipin ang kanyang kaugnayan dito.
Bukod pa rito, sinampahan siya ng kasong katiwalian sa Sandiganbayan sa umano’y pakikialam sa paggawad ng kontrata sa isang towing services firm na mayroon siyang interes.