HINARANG sa Hong Kong International Airport si dating Department of Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario at hindi ito pinayagan ng HongKong Immigration na makapasok sa kanilang teritoryo.
Umalis si Del Rosario sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon bandang alas -5:20 ng umaga sakay ng Cathay Pacific CX 976 at dumating ito sa Hong Kong International Airport dakong alas-7:20 ng umaga para dumalo sa First Pacific Share-holders meeting sa Hong Kong.
Agad na dinala ng Immigration authorities si Del Rosario sa Hong Kong Airport lounge, kung saan siya namalagi habang hinihintay ang desisyon ng Hong Kong authorities, subalit matapos ang anim na oras na paghihintay ay tuluyang hindi pinapasok ang dating kalihim.
Ayon sa isang opisyal ng gobyerno, ang pagharang kay Del Rosario ay may kinalaman sa pagsasam pa ng kaso sa International Criminal Court (ICC) laban kay Chinese President Xi tungkol sa sigalot ng South China Sea.
Matatandaang hindi rin pinayagan ng Hong Kong Immigration si dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na makatapak sa kanilang bansa at pinigil ng ilang oras kaya nagpasiya na lamang ito na bumalik sa bansa.
Sina Del Rosario at Morales ang nag-file ng complaint laban kay Xi sa International Criminal Court (ICC) dahil sa “atrocious” actions nito sa South China Sea sa loob ng karagatan ng Filipinas.
Sinabi sa reklamo ni Del Rosario na may pananagutan si Xi dahil sinisira nito ang marine resources sa naturang karagatan na sakop ng Filipinas at pagtatayo ng artificial island.
Kasama ni Del Rosario sa mga kinasuhan sina Chinese Foreign Minister Wang Yi at Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua. FROILAN MORALLOS
PAGHARANG KAY DEL ROSARIO PAGLABAG
SA VIENA CONVENTION ON DIPLOMATIC IMMUNITY
MALINAW na paglabag sa Vienna convention on diplomatic immunity ang ginawang pagtrato ng Hong Kong authorities kay dating DFA Secretary Albert Del Rosario.
Reaksiyon ito ni Atty. Ann Marie Corominas, abogado ni Del Rosario matapos na pahirapan at kuwestiyunin pa ang ang dating kalihim sa pagpasok sa Hong Kong.
Ayon kay Corominas, diplomatic passport ang gamit ni Del Rosario bilang dating kalihim ng DFA subalit pinaghintay siya ng matagal na oras nang walang ibinibigay na dahilan kung bakit.
Sinabi naman ni Del Rosario na malinaw na harassment ang ginawa sa kanya ng Hong Kong authorities. Hindi rin umano siya threat sa nasabing bansa.
Dumating si Del Rosario sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos ang halos anim na oras na pananatili nito sa facility at paliparan at sumailalim sa pagtatanong ng immigration authorities sa Hong Kong.
Dakong 4:59 ng hapon, araw ng Biyernes nang makabalik ng Filipinas si Del Rosario.
Comments are closed.