HINILING ni dating Maguindanao Governor Esmael ‘Toto’ Mangudadatu ang Malacañang na manatiling matatag sa gitna ng paggambala sa kapayapaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ng kanya umanong mga kaanak na naghangad ng electoral dominance sa rehiyon sa darating na 2025 local elections.
Ang paggambala sa kapayapaan, ayon sa unity advocate at ex-governor ng Maguindanao, ay sa dahilan ding hindi napagbigyan ang kanyang mga pinsan sa appointment bilang chief minister ng BARMM.
Sa isang video message, kinilala ni Toto Mangudadatu ang kanyang mga kaanak na tinatarget umano ang top post ng BARMM na si ex-Tesda chief Suharto ‘Teng’ Mangudadatu o Maguindanao del Sur Gov. Mariam Mangudadatu.
“Nasa tamang direksiyon ang Pangulo. Wag siyang magpalinlang. Wag siyang makinig diyan sa statement ni Mariam. Statement ni Teng. Statement ng anak. Tuloy-tuloy lang, kasi ‘yan ang tama. Maraming masaya dito sa amin. Maraming proyekto ang BARMM. Ngayon ka lang makakakita na halos hindi nauubos ang pondo. Doon mo makikita na ang nailagay diyan ay naniniwala sila, takot sila sa gobyerno natin at nirerespeto nila si Presidente Marcos na ipatupad lahat ang mga programa at proyekto,” pagbibigay-diin ni Toto Mangudadatu.
Ang video message ni Toto Mangudadatu, na ang kopya ay ipinadala sa media outlets, ay bilang reaksiyon sa serye ng social media posts laban sa umano’y mga anomalya sa BARMM, kabilang ang umano’y “coercion at harassment“ laban sa mga alkalde ng party officials ng PFP na nais umanong magdikta kung sino ang mamumuno sa BARMM.
Sa kanyang mensahe para kay Pres. Marcos, sinabi ni Toto Mangudadatu na, u“Wag po kayong magpatinag sa mga mensahe, mga banat ng aking pinsan, si Teng si Mariam. Maaaring sama ng loob lang ‘yun dahil hindi sila napagbigyan, at hindi naman talaga puwedeng pagbigyan na maging chief minister sila kasi ito ay resulta ng peace agreement para sa kapayapaan.”
Sa pagtukoy ng iba’t ibang social services na naisakatuparan na sa autonomous region, sinabi niya na, “kung may mga disaster kaagad nandiyan ang BARMM. Kung kailangan ninyo ang supply, nandiyan ang BARMM. Kung kailangan ninyo ang edukasyon, nandiyan ang BARMM. Kung kailangan ang pagpagamot nandiyan ang BARMM.”
Nagbabala rin siya sa kanyang video message laban sa masamang epekto kapag ibinoto si Teng Mangudadatu bilang BARMM head. “Kung si Teng ay maging chief minister ay baka mamaya lahat kakasuhan at baka akalain ng tao lahat na ginagawa dito ay may basbas ng Malakanyang.”
Sa mga alegasyon ng korupsiyon sa BARMM, isang joint statement ang naunang inilabas nina PFP national president at South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo at Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo na tahasang nagpapabulaan sa mga akusasyon na ang pondo na para sa autonomous region ay “misappropriated”, at ang mga local politician ay pinipilit na umanib sa administrasyon.
“Ang naturang mga alegasyon ay hindi lang mali kundi malisyuso na ang intensiyon ay linlangin ang publiko,” saad sa joint statement, na binanggit din ang paninindigan ni BARMM chief minister Ahod Ebrahim at ng key leaders sa Mindanao na walang pamimilit o pamumuwersa laban sa local politicians na naganap at ang kamakailang pagtitipon ng BARMM mayors at iba pang kilalang lider sa Davao City ay “mapayapa at respectful.”
Sa kanyang panig, sinabi ni Lagdameo na bilang SAP, ang kanyang papel ay ang pagtibayin ang transparency, accountability at integrity sa bawat aspeto ng kanyang tungkulin. “The allocations and utilization of funds for the BARMM follow legal, transparent processes designed to ensure that they are used for the development and inclusive growth of the region and its people.”
Samantala, sinabi ni Tamayo na bilang gobernador ng South Cotabato at national president ng administration party, ang kanyang pokus ay nasa pagbuo ng partnerships base sa shared goals para sa pagsulong ng bansa.