EX-GRAB DRIVER BINARIL NG NAKAALITAN

binaril

LAS PIÑAS CITY – KRITIKAL ang isang dating Grab driver samantalang sugatan naman ang kanyang anak na lalaki makaraang pagbabarilin ng isang armadong lalaki dahil sa argumento sa kalsada kamakalawa ng hapon sa lungsod na ito.

Kinilala ni Las Piñas police chief Colonel Simnar Gran ang mga biktima na sina Marlou Baisa, 53, at ang kanyang anak na si Justine Baisa, 24, empleyado, kapwa residente ng No. 5 Magnolia St., Doña Manuela Subdivision, Brgy. Pamplona 3, Las Piñas City.

Agad na dinala sa Perpetual Help Medical Center Dalta ang mag-amang biktima sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang Las Piñas City police upang madakip ang suspect na kinilalang si Akmad Abubakar, 38, isang caretaker, residente ng No. 49-B Magnolia St., Doña Manuela Subdivision, Brgy. Pamplona 3.

Base sa ulat na natanggap ni Gran, nangyari ang insidente dakong alas-3:45 kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng Doña Manuela Avenue, Doña Manuela Subdivision.

Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya na nagkasabay nang papasok sa kanilang lugar ang mag-amang biktima na lulan ng isang multi-purpose vehicle (MPV) na minamaneho ni Justine at delivery tricycle na minamaneho naman ng suspek.

Sa hindi pa malamang dahilan ay bigla na lamang nagkagitgitan sa kalsada ang dalawang sasakyan na humantong sa argumento ang mag-amang biktima at ang suspek.

Sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo ay bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang mag-amang biktima bago ito tumakas sakay ng kanyang delivery tricycle.

Mabilis namang dumating ang rescue team ng Las Piñas na siyang nagdala sa mag-amang biktima sa ospital kung saan naiulat na nasa kritikal na kondisyon ang ama ni Justine. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.