BULACAN- ISANG dating konsehal ng bayan na nanungkulan ng siyam na taon at kasama nitong babae ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balagtas police makaraang makipagtransaksyon sa bentahan ng iligal na droga sa awtoridad sa bypass road sakop ng Barangay Borol 2nd, Balagtas sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Sa report kay Col. Charlie A. Cabradilla, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang suspek si Jonathan Aruelo, residente ng Barangay San Juan,Balagtas at tatlong terminong nanungkulang Muncipal Councilor at anak ng dating Balagtas Vice-Mayor Jun Aruelo at kasama nitong babae na si Joan Mesias na kapwa nakakulong at nahaharap sa kasong kriminal.
Nabatid na bago nadakip si Aruelo at kasama nito ay ipinasailalim muna ito sa week-long surveillance operation bago ikinasa ang buy-bust operation sa bypass road sakop ng Barangay Borol 2nd,Balagtas at hindi na nakapalag ang dalawang suspek matapos silang makipagtransaksyon sa operatiba ng SDEU ng Balagtas police.
Narekober sa dalawang suspek ang limang pakete ng shabu at buy-bust money at kapwa nahaharap sa kasong Comprehensive Dangerous Drug Actof 2002 matapos ipasailalim sa drug test sa Provincial Crime Laboratory sa Malolos City. MARIVIC RAGUDOS