HINDI magiging madali ang trabaho ng kung sino man ang uupo bilang bagong pinuno ng Metro Manila Development Authority (MMDA) upang palitan si ex-chief Danilo Lim na pumanaw kamakailan.
Nag-iwan ng mataas na pamantayan si Lim bilang pinuno ng MMDA sa pamamagitan ng pagtataguyod ng katapatan, integridad, at katatagan sa pagpapatupad ng mga reporma rito. Alam ng publiko na mahirap sundan ang mahusay na pamamalakad na ito.
Batid ang pangangailangang makahanap ng kuwalipikado at mahusay na papalit kay Lim upang pangasiwaan ang patuloy na implementasyon ng mga programa nito na malaking tulong sa pagpapaibayo ng buhay ng mga tao, agad na pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dating alkalde ng Mandaluyong na si Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. bilang bagong chairman ng MMDA.
Ako ay naniniwalang hindi nagkamali sa pagpili si Pangulong Duterte kay Abalos. Si Abalos ay isang batikan at kilalang tagapaglingkod sa lokal na pamahalaan at isa ring dating mambabatas.
Nagsilbi si Abalos bilang alkalde ng Mandaluyong City mula 1998 hanggang 2004, at mula 2007 hanggang 2016. Ang kanyang istilo sa pamumuno ang natukoy na pangunahing dahilan kung bakit kinilalang Tiger City of the Philippines ang nasabing lungsod matapos ang isang termino.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, kinilala ng Department of Trade and Industry (DTI), ng Asian Institute of Management, at ng SGV Policy Center ang Mandaluyong bilang ‘Second Most Vibrant City Economy in the Philippines’ noong taong 2002.
Sa pagtanggap ni Abalos sa posisyon bilang bagong chairman ng MMDA, sinabi niya, “Communication is the key here. I will do my best to fulfill my job as the new MMDA chairman, carrying the slogan ‘Gawa Hindi Salita’ which we implemented in Mandaluyong.”
Bilang pinuno ng MMDA, ipinahayag ni Abalos na itataguyod niya ang pagiging transparent at ang pagpapakita ng resulta ng mga tinatrabaho ng organisasyon. Bibigyang-diin din niya ang kahalagahan ng disiplina at pag-uugali sa pagsiguro na nasusunod ang mga polisiyang ipinatutupad nito.
Ang pagpili kay Abalos ay nangyari sa panahong ang Filipinas ay pinangalanan ng Numbeo, isang internasyonal na ahensiyang nagsusuri ng global na index ng trapiko, bilang bansa na may pinakamalalang daloy ng trapiko sa Timog Silangang Asya, at ika-siyam sa buong mundo.
Ang mahusay na pag-uugnayan sa pagitan ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila ay mahalaga sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko sa nasabing lugar. Si Abalos ay may magandang ugnayan sa iba’t ibang pinuno ng mga lokal na pamahalaan dahil sa kanyang naging dating pamumuno sa dalawang kilalang organisasyon sa bansa — ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) at ang League of Cities of the Philippines (LCP).
Ang ULAP ay isang organisasyon na binubuo ng lahat ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan sa bansa at ng mga hawak nitong mga organisasyon gaya ng League of Governors, League of Vice Governors, Board Members, City Mayors, Municipal Mayors, Vice Mayors, Councillors, at Sangguniang Kabataan, pati na rin ang organisasyon ng mga nurse at midwife. Ang LCP naman ay organisasyon ng 122 alkalde sa bansa.
Sa unang araw ng pamumuno ni Abalos, inilatag niya agad ang mga pagbabagong nais niyang gawin sa EDSA. Sa isang pagpupulong kasama ang mga opisyal ng ahensiya, tinalakay niya ang mga isyu ukol sa pandemyang COVID-19 at mga plano niya ukol sa daloy ng trapiko sa pangunahing daanan sa bansa.
Ayon kay Abalos, ang kasalukuyang prayoridad ng MMDA ay ang pagharap sa mga isyu ng pandemyang COVID-19 sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya at lokal na pamahalaan habang hinihintay ang nalalapit na pagdating ng mga bakuna laban dito.
Batid ni Abalos ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa Department of Transportation (DoTr). Kasama sa kanyang plano ang pakikipag-ugnayan kay DoTr Secretary Art Tugade ukol sa EDSA Busway, na epektibo sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa EDSA.
Kasama sa mga proposisyong nais ihain ni Abalos ang pagpapatupad ng elevated busway bilang solusyon sa mga isyu ukol sa pag-ikot ng mga bus sa mga u-turn slot sa EDSA. Dagdag din sa nais ilatag ni Abalos ang paglalaan ng pinaka-kanang linya ng EDSA para sa mga motorsiklo.
Opisyal na ring inilunsad ang Skyway Stage 3. Naniniwala si Abalos na ang SLEX/NLEX connector expressway ay makatutulong nang malaki sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko sa EDSA.
Sa kabila ng mga hamong naghihintay kay Abalos bilang bagong pinuno ng MMDA, handa siyang tanggapin ang responsibilidad sa pagpapatupad ng disiplina sa mga daan sa Metro Manila.
Naniniwala si Salvador Panelo, ang Head Legal Adviser ni Pangulong Duterte, na magagamit ni Abalos sa kanyang pamumuno bilang MMDA chairman ang maraming taon na karanasan at kaalaman bilang dating alkalde at mambabatas.
Si Abalos ay unang nagsilbi bilang konsehal sa 1st District ng Mandaluyong mula 1995 hanggang 1998. Sa kanyang pag-upo bilang konsehal ay pinamunuan niya ang Committee on Laws, Peace & Order and Public Safety at nagsilbi rin siya sa Committee on Angara Affairs and Livelihood and Cooperatives.
Noong eleksiyon noong 2004, inihalal siya bilang kaisa-isang kinatawan ng Mandaluyong sa House of Representatives sa Kongreso hanggang 2007.
Bilang miyembro ng mababang kapulungan, siya ay nagsumite ng 25 na mga House Bill at tumulong sa pagsulat ng 54 na iba pa. Siya ang nagbigay ng pinakamalaking badyet ng Philippine Sports Commission sa buong kasaysayan ng nasabing komisyon. Dagdag pa rito, si Abalos din ang pangunahing may akda ng Republic Act No. 9397 o ang Amended Urban Development Housing Act of 1992.
Tiyak na maraming mata ang nakatuon kay Abalos sa kanyang pag-upo sa MMDA. Marami ang mag-aabang kung paano niya gagamitin ang slogan ng Mandaluyong na, ‘Gawa Hindi Salita’ sa pagpapatupad ng mga programa nito. Nawa’y sa ilalim ng kanyang pamumuno ay matugunan na ang malalang problema sa daloy ng trapiko sa bansa.
Comments are closed.