LAGUNA- NASAKOTE nang pinagsanib puwersa ng Laguna PNP Intelligence Unit at National Capital Region Police Office ang dating Mayor ng Dingras, Ilocos Norte na wanted sa pagpatay sa tatlo katao habang nagpapahinga sa isang eksklusibong resort sa Indigo Bay Resort and Subdivision sa Barangay Sucol, Real, Calamba City Sabado ng tanghali.
Kinilala ni Col. Harold Depositar, Laguna Police director, ang suspek na si dating mayor Marynette Gamboa, may- asawa at residente ng nabanggit na lugar.
Sa record ng pulisya, si Gamboa ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Lorenzo Rey Ruiz, presidente ng Ilocos Norte Electric Cooperative gayundin ang pag-ambush at pagpatay sa dating Dingras Mayors Jeffrey Saguid at Sangguniang Board Member Robert Castro noong Disyembre, 2009.
Nabatid na matapos ang mga nasabing krimen ay nagtago na si Gamboa kung saan nagpalipat-lipat ito ng tirahan.
Base sa tanggapan ng NCRPO, isang tip mula sa isang concerned citizen ang nagbigay sa kanila sa kinaroroonan ni Gamboa kung kaya’t agad silang nagsagawa ng pag- aresto.
Sa bisa ng isang arrest warrant na inisyu ng tanggapan ni Presiding Judge Felix Gabriel Salvador ng Batac Regional Trial Court branch 17, tuluyang dinakip si Gamboa at dinala na ng mga operatiba sa lalawigan ng Ilocos para harapin ang kasong murder na inihain laban sa kanya.
Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa paglaya ng suspek. ARMAN CAMBE