BULACAN- BOLUNTARYONG sumuko sa mga awtoridad ang isang dating miyembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) kamakalawa ng gabi sa Brgy, Guinhawa, Malolos City.
Sa inisyal na report ng 1st PMFC Lt.Joey Jay Guiyab, kinilala ang sumuko na si Leonardo Magbanua Y Pascual, 50-anyos, alyas Ka Ernie at Ka Biyog na dating miyembro ng Bangkilas na residente ng Brgy, Bagna Malolos City.
Nabatid na personal na nagpunta sa 2nd Platoon ng 1st PMFC bitbit ang isang Cal.45 at isang MK2 Hand Granade.
Katuwang ng Provincial Mobile Force Company ang 70 Infantry Battalion ng Philippine Army ang pagdodokumento ng dating rebelde.
Tiniyak naman ni 70 IB Battalion Commander Lt.Col. Ronnel Dela Cruz ,ang pagsuko ng dating rebelde ay bunsod ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan sa ilalim ng Executive Order 70 na NTF-ELCAC kung saan, muling binigyan ng pagkakataon na makabalik sa normal na buhay ang mga dating rebelde na nagbalik loob sa gobyerno.
Samantala, sa ilalim ng NTF-ELCAC, makakatanggap ng tulong pinansyal at pang-kabuhayan package, si Ka Ernie, mula sa pamahalaan. THONY ARCENAL