EX-NPA OFFICER SUMUKO, TUTULUNGAN NG GOBYERNO

ZAMBALES – ISANG dating miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa pinagsanib na puwersa ng awtoridad sa Barangay Magsaysay, Castillejos.

Ayon sa 2nd Provincial Mobile Force Company ng Zambales Provincial Police Office, sumuko si Mar Hamto alyas Ka Alvin na isang non-PSR listed CTG member at 2nd vice commanding officer of Larangan Dos, Komiteng Probinsya Tres, Sentro De Grabidad, Sorsogon.

Katuwang ng nasabing operatiba sa pagpapasuko sa rebelde ang mga tauhan ng 34SAC at 3rd Special Action Battalion (3SAB) ng PNP-Special Action Force.

Sa record ng awtoridad, taong 2004 nang sumama sa Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Celso Miguez Command si ka Alvin at naging SPARROW noong 2011.

Subalit, taong 2014, na-diagnose siya ng kidney failure, dahilan para magtungo sa Maynila upang magpagamot at makaraan ang dalawang taon ay nanirahan sa Zambales.

Isinuko rin ni Ka Alvin ang isang caliber .38, bala at isang hand grenade MK2 fragmentation, isang Bagong Hukbong

Bayan uniform at mga subersibong dokumento.

Ang 2nd PMFC, Zambales PPO ang nangasiwa ng kustodya ng sumukong rebelde at idinokumento ang pagsuko at kagamitan.

Isinama rin si Ka Alvin sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng pamahalaan upang matulungan itong magbagong buhay.

Ang operasyon ay nagpapakita ng estratehiya ng PNP SAF at iba pang law enforcement agencies sa pagpapaunlad ng kapayapaan at katatagan ng rehiyon. EUNICE CELARIO