ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dating pangulo ng National Press Club bilang bagong executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS).
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Atty. Cheloy Garafil na inaprubahan ng Pangulo ang appointment ni Paul M. Gutierrez noong Mayo 19, 2023.
Si Gutierrez ang kasalukuyang kalihim ng NPC at nagsilbi ng dalawang termino bilang pangulo ng pinakamalaking samahan ng mga aktibong mamamahayag sa bansa. Siya ang ikatlong pangulo ng NPC na naitalaga sa gobyerno sa nakaraang 8 taon, sumunod kina Benny Antiporda at Joel Sy Egco na papalitan niya sa puwesto bilang PTFoMS executive director.
Itinatag ang PTFoMS sa bisa ng Administrative Order No. 1 noong Oktubre 14, 2016, sa ilalim ng administrasyong Duterte na may layuning tiyakin ang buhay, seguridad, at kaligtasan ng lahat ng kasapi sa sektor ng media sa bansa. BENEDICT ABAYGAR, JR.