EX PAL PREXY, ITINALAGANG DOTR CHIEF

ITINALAGA ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si dating Philippine Airlines president Jaime Bautista bilang susunod na kalihim ng Department of Transportation.

Ito ang kinumpirma kahapon ni incoming Executive Secretary Vic Rodriguez.

Papalitan ni Bautista si Transportation Secretary Arthur Tugade na matatapos ang termino sa Hunyo 30 kasabay ng pagbaba sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Bautista na isang certified public accountant ay nagtapos ng commerce degree sa Colegio de San Juan Letran.

Nagsilbing Vice President for Finance, Chief Finance Officer, Executive Vice President ng PAL kung saan ay nanilbihan siya ng halos 25 taon sa nabanggit na airline company.

Samantala, si outgoing Labor Secretary Silvestre Bello III naman ang napili ni Marcos bilang Chairman at Resident Representative ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).

Si Bello ay nagsilbing kalihim ng DOLE sa administrasyong Duterte simula noong 2016.

Bago naging kalihim ng DOLE, nagsilbi rin si Bello bilang kalihim ng Department of Justice noong administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Naitalaga rin si Bello bilang Cabinet Secretary ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at naging party-list Representative noong 2013 hanggang 2016. EVELYN QUIROZ