RIZAL- ARESTADO ang isang dating pulis nang tangkaing suhulan ng P2 milyon ang mga operatiba ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group kaugnay sa warrant of arrest nito kamakalawa sa Taytay sa lalawigang ito.
Kinilala ni IMEG Director Brig. Gen. Samuel Nacion, ang dinakip na suspek na si P03 Luis Jomok lll, nakatira sa No. 83 Cabrera Road, Kaytikling Brgy. Dolores ng nabanggit na bayan.
Hinuli ang suspek bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Wilhelmina Jorge-Wagan ng Branch CXI (111) RTC-National Capital Region-JR, Pasay City.
Nabatid na si Jomok na dating pulis ay tatlong beses ng na demote ng ranggo hanggang sa sibakin ito sa tungkulin.
Sangkot din ang suspek sa pamamaril noong Agosto 7, 2008 sa Pasay City nang barilin nito ang biktimang nakilalang si Billy Lozada kung saan nagkaroon ito ng standing warrant of arrest sa kasong homicide noong Setyembre 2021.
Matapos na malaman na mayroong warrant of arrest ay nagtago ang suspek hanggang sa matunton ito ng pulisya.
Nitong Hunyo 4 ay nakatanggap ng impormasyon ang Counter Intelligence Division ng IMEG kung saan nagtatago ang suspek sa Taytay, Rizal.
Dakong alas-11:23 kamakalawa ng umaga ay nagsagawa ng operasyon ang IMEG at naaresto ang suspek sa kanyang bahay kung saan sinubukan pang suhulan nito ang mga dating kasamahan ng halagang P2 milyon para sa kalayaan nito pero hindi ito pinatulan ng mga pulis na umaresto sa kanya. ELMA MORALES