NUEVA ECIJA – APAT na amasona o mga babaeng miyembro ng New People’s Army (NPA) kabilang ang isa umanong dating estudyante ng Polytechnic University (PUP) ang nasilo ng militar sa Sitio 32, Brgy. Agbannawag, Rizal, alas-3:40 ng hapon noong Sabado.
Ang pagdakip ng elemento ng 7th Infantry Division ng Philippine Army ay nagtagumpay makaraan ang koordinasyon ng mga residente sa lugar at ipinaalam sa militar ang presensiya ng mga ito sa kanilang lugar.
Napag-alaman pa na nagsasagawa ng recruitment, propaganda at pangingikil ang apat na amasona sa kanilang lugar.
Agad nagtulungan ang 7ID units, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Rizal Municipal Police Station makaraang matanggap ang impormasyon at tinungo ang lugar.
Sa ulat na ipinadala ni Lt. Col. Julio Osias IV, hepe ng 7th ID Public Affairs Officer, ang dalawang babaeng NPA ay natagpuan sa isang kubo kung saan nakuhanan ang mga ito ng armas, iba’t ibang bala at pampasabog.
Kinilala ang mga inaresto na sina Yolanda Diamsay alyas Ka Mariz, Eulalia Pangkaliwangan Ladesma, Rachel Acana Galario alyas Rose at Elaine Emocling alyas Ka George, 23-anyos, umano’y dating estudyante ng PUP.
Nasamsam mula sa posesyon ng mga amasona ang isang cal. 9mm sub machine gun, mga bala, apat na granada, dalawang bomba, laptop, printers, 10 cellular phones at mga subersibong dokumento.
Sa phone conversation ng PILIPINO Mirror kay Osias, sinabi nito na batay sa nakuhang impormasyon mismo kay Ka George ng pulisya, dati itong nakatira sa Makati City at pahinto-hinto ng pag-aaral sa PUP Sta. Mesa hanggang mamundok nang ma-recruit ng grupong League of Filipino Students (LFS).
Magugunitang noong isang linggo ay tinukoy ni AFP Chief of Staff, Gen. Carlito Galvez na isa ang PUP na paboritong re-cruitment haven ng mga rebelde.
Nagpasalamat naman si M/Gen. Felimon Santos Jr. AFP, Commander, 7ID sa pakikipagtulungan ng mga residente sa lugar upang masawata ang aktibidad ng mga terorista sa lugar. EUNICE C.
Comments are closed.