INAASINTA ni Presidente Rodrigo Duterte ang isang dating opisyal ng militar na pumalit kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na nakatakdang lumipat sa Mindanao Development Authority (MinDA).
Ayon kay Duterte, sa kasalukuyan ay naghahanap pa siya ng kapalit ni Piñol.
“I’m scouting around. Maybe again a military man kasi madali mag-utos ng trabaho and they do it without a question,” wika ni Duterte sa isang pa-nayam sa television program ni Pastor Apollo Quiboloy.
“When I tell you do this and do that do not question me because I will never give you an order to do something that is illegal.”
Nauna rito ay ipinagkibit-balikat ng Pangulo ang kritisismo na nagpapatupad siya ng militarisasyon sa kanyang Gabinete, at sinabing mas gusto niya ang mga dating uniformed personnel dahil sumusunod sila sa utos nang walang reklamo.
Sa kasalukuyan, ang mga dating military official sa Gabinete ay kinabibilangan nina Interior Secretary Eduardo Año, Environment Secretary Roy Cimatu, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., Peace Adviser Carlito Galvez Jr., Housing and Urban Development Coordinating Council chairperson Eduardo del Rosario at Social Welfare Secretary Rolando Bautista.
Itinalaga rin ni Duterte ang mga dating military at police official sa iba pang posisyon sa gobyerno.
Ayon sa Pangulo, nais niyang maging point man si Piñol sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil wala aniyang ibang maaasahan na makipag-usap sa BARMM para sa kinakailangang arrangements upang umunlad ito.
“Nobody is talking to the BARMM. What else do you want? What else do you need? What happens to this office? Would it be dissolved or you want another entity to make it work? Wala, eh so I have to have my man there. Piñol is from Cotabato,” aniya.
Si Duterte ay nakipagpulong sa mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) noong nakaraang linggo upang talakayin ang kanyang plano na ilipat si Piñol sa Mindanao at sinang-ayunan naman ito ng BTA officials, sa pangunguna ni interim chief minister Murad Ebrahim.
Comments are closed.