EX-VM NG BATANGAS PATAY SA PAMAMARIL

BATANGAS- BINARIL at napatay ang dating Vice- Mayor sa Batangas habang nagbibigay ng mensahe sa isang birthday party sa Lobo, Batangas nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Romeo Sulit, 61-anyos, may- asawa at kasalukuyang Sangguniang Bayan Secretary ng nasabing bayan.

Base sa pahayag ni Capt. Roy Cuevas, Lobo chief of police na isa umano sa inimbitahan panauhin si Sulit sa debut ng anak ng isa nitong kaibigan kung saan hiniling umano na magbigay ito ng isang inspirational message.

Nang hawak na umano ng biktima ang mikropono at nagsimula na itong magsalita, lumapit umano sa likuran ni Sulit ang hindi pa nakikilalang suspek at sunod- sunod na pinaputukan ito hanggang sa mabuwal.

Ayon sa pahayag ng mga nakasaksi sa krimen, ang suspek ay nakasuot ng kulay berdeng cap, short pants at nakajacket na agad umano itong tumakbo papalayo matapos ang pamamaril.

Hindi rin umano nagawang humabol ng ilang kalalakihan sa party sa pag- aakalang may mga kasamahan ang gunman na armado rin.

Mabilis na isinugod ang sugatan biktima sa Lobo District Hospital pero inilipat ito ng mga kaanak sa Batangas Medical Center kung saan binawian din ng buhay pasado alas- 12 ng hatinggabi.

Si Sulit ay nagsilbing Vice Mayor ng Lobo Batangas mula 1998 hanggang 2010 at sa kasalukuyan ay itinalagang Secretary ng Sangguniang Bayan ng naturang bayan.

Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Lobo police station at inaalam ang katauhan ng salarin. ARMAN CAMBE