EX-VP BINAY SINILIP ANG MANILA CLOCK TOWER

PINASALAMATAN ni Manila Mayor Honey Lacuna si dating Vice President Jejomar ‘Jojo’ Binay, Sr. sa pagpapakita ng interes sa Manila Clock Tower Museum nang dumalaw ito.

Nagpahayag ng kasiyahan si Lacuna matapos na malamang bumisita si Binay sa museum kamakailan at nasaksihan mismo nito kung ano ang inaalok sa mga bisita at kung bakit ito naging tourist destination ng lungsod.

Si Binay ay sinalubong at inasistehan ng mga kawani ng Department of Tourism, Culture and the Arts of Manila (DTCAM) nang ito ay bumisita.

Kamakailan lang ang nasabing museum ay kinilala bilang Golden LEAF Presidential Awardee ng ‘Philippine LEAF Awards Tertulia at Parangal 2024’, isang award na kumikilala sa integridad, creativity at excellence sa Philippine live entertainment, performing arts, fashion and festivals.

Ang ‘LEAF Awards Tertulia at Parangal’ ay nakatakdang ganapin sa February 8, 2024, na isang red carpet event simula 1 p.m. sa iconic Manila Metropolitan Theater.

Bago ito, nitong Nobyembre nang nakaraang taon, ang museum ay kinilala din ng National Commission of Culture and the Arts (NCCA) bilang grand winner sa MGM 2023 AVP Museum Competition.

Ang Manila Clock Tower, na natapos noong 1930, ay dinisenyo ng Filipino Neoclassical artist and architect na si Antonio Toledo.

Dahil sa pandemya, ang dapat sana ay opening sa publiko ng rehabilitated clock tower at nausyami.

Hanggang sa matuloy ito noong October 2022.

Ito ay pormal na pinasinayaan at binuksan sa publiko ni Lacuna at tourism chief Charlie Dungo at inilunsad bilang major tourist attraction at historic landmark.

Ito ay matatagpuan sa loob ng Manila City Hall at bukas tuwing weekdays, mula 10 a.m. hanggang 5 p.m.

Makikita dito ang makukulay na kasaysayan ng Maynila pati na ang modern art galleries changing art exhibits. Ito ay may taas na 100 feet at itinuturing na biggest clock tower sa Pilipinas. VERLIN RUIZ