PINARANGALAN ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa kanilang dedikasyon sa paghahatid ng dekalidad na serbisyong pampubliko sa ginanap na seremonya noong Oktubre 30 sa Conrad Hotel sa Maynila.
Bilang pagkilala sa pangako ng DPWH sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, ginawaran ng ARTA ng Silver Award ang DPWH Central Office para sa “Very Satisfactory” sa 2023 ARTA Report Card Survey (RCS) 2.0.
Tatlong District Engineering Offices (DEOs) ang tumanggap ng Gold Awards dahil sa kanilang natatanging serbisyo, ang Agusan del Norte DEO, Ilocos Norte 2nd DEO at Zambales 1st DEO.
Dagdag na mga tumanggap ng Silver Award ay ang DPWH Regional Office 12, Laguna 3rd DEO, Negros Occidental 2nd DEO, Pampanga 3rd DEO at South Manila DEO.
Dahil dito, pinuri ni Secretary Manuel M. Bonoan ang mga kawani ng ahensya para sa kanilang pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan ng serbisyong pampubliko.
“This ARTA recognition underscores our strong commitment to providing efficient, high-quality, and transparent service. It reflects our continuous efforts to meet and exceed public expectations” ayon kay Bonoan.
Ang RCS ay ang komprehensibong sukat ng bisa ng Citizen’s Charter, sinusuri ang epekto nito sa pagpapagaan ng mga regulasyon at pagtukoy sa mga sistema at programa ng human resource ng DPWH na sumusuporta sa mahusay na serbisyong pampamahalaan.
Ang award ay iginawad nina ARTA Secretary Ernesto V. Perez, kasama si Deputy Director General for Administration and Finance Undersecretary Ricojudge Janvier M. Echiverri at iba pang opisyal ng ARTA.
RUBEN FUENTES